Iingat sa pagkalog sa SBMA at sulong Zambales

MAY impormasyon tayong nakuha na may kampanya ang ilang politiko na matanggal sa puwesto si Subic Bay Metropolitan Authority Chair & Administrator Roberto V. Garcia.

May dating senador na kasabwat ang kasalukuyang senador para mailagay ang kanilang bata kapalit ni Garcia at maging ang buong SBMA board ay gustong palitan nila.

May panawagan tayo kay Pangulong Noynoy Aquino na maglinis sa SBMA kasama na ang pagsibak kay Garcia dahil sa kakulangan ng paninindigan na ipagtanggol ang interes ng SBMA at Freeport na pinatatakbo nito.

Ito Ang Totoo: sa kabila ng ating panawagan, hindi tayo umaayon sa motibo ng hinalipak na mga politiko na habol ang leeg ni Garcia at buong board niya.

Mantakin ninyo, hindi interes ng SBMA at Freeport ang isinusulong ng mga politikong ito kundi makasarili at mapagsamantalang pulitika. Gustong gamitin ng mga lekat ang SBMA – mga tauhan, locator at pondo nito, para sa darating na halalan.

Kung ang mga bata rin lang ng mga trapo ang ipapalit kay Garcia at board of directors niya, huwag na lang po Pangulong Aquino, dahil mas kawawa ang SBMA at Freeport sa planong paggamit sa pulitika ng mga amag at bukbok na politiko.

***

Ulat sa Bayan: Sulong Zambales, Arangkada Zambaleño.

Panalo ang mga taga-Zambales kung pagbabatayan ang Ulat sa Bayan ni Gob. Jun Ebdane kahapon.

Tumaas ang koleksiyon ng probinsiya kaya mas ma-raming pera para sa mga proyektong naglipana buhat ng  umupong  gobernador si Ebdane.

Magmula pangkalusugan, kalikasan, kabuhayan at  mga imprastruktura, wala pang makapapantay sa mga nauna nang gobernador ng Zambales sa ginawa ni Gob. Ebdane sa nakalipas na dalawang taon.

Kung ang mga local government official ay kagaya ni Gob. Ebdane, kasama na ang anak na si Congressman Omar Ebdane, malamang susulong at aarangkada ang mga barangay, bayan, lungsod o lalawigan nila. Ito Ang Totoo!

***

Ipaabot ang mga puna, impormasyon at reklamo sa 09994001162.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply