Illegal recruiter kakasuhan ng IACAT

NAKATAKDANG kasuhan ng human trafficking ngayong araw (Hulyo 30) ng Inter-Agency Task Force on Anti-Trafficking (IACAT) ang isang recruitment agency na nagpadala sa isang inabusong overseas Filipino worker sa bansang Jordan.

Ito ay matapos na mangako si Vice President Jejomar Binay sa biktima na tutugisin ng pamahalaan ang nasabing recruitment agency dahil sa illegal na pagpapadala ng mga OFW sa Jordan sa kabila ng ipinatutupad na deployment ban sa nasabing bansa.

Kinilala ni Binay ang biktima na si Diana Castillo, 24 anyos at tubong Taal, Batangas.

Batay sa record ng IACAT, Marso 31 umalis ng Pilipinas si Castillo upang magtrabaho bilang skilled worker sa Abu Dhabi. Gayunpaman, dinala ang biktima sa Amman, Jordan bilang isang household service worker.

Dahil hindi na makayanan ang mga pang-aabuso ng amo, tumalon ang biktima mula sa ikatlong palapag ng gusali kung saan nakatira ang amo.

“Hahabulin natin ang mga involved sa pagkaka-recruit kay [Diana]. Lahat ng papeles niya is [Abu Dhabi] pero pagkatapos nun, dinala na siya sa Jordan,” pahayag pa ni Binay

Si Castillo ay bumalik sa Maynila noong Biyernes at nagtungo sa tanggapan ni Binay sa Coconut Palace, Pasay City upang magreklamo.

Kinilala rin ni Binay, chairman emeritus ng IACAT, ang Crosswind International Manpower Services at may tanggapan sa San Marcelino Street, Malate, Manila na siyang kumuha kay Castillo.

Sinuspendi na rin ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang operasyon ng nasabing recruitment agency.

Batay sa imbestigasyon, ginagamit ng recruitment agency ang job orders ng mga lehitimong amo na nangangailangan ng skilled workers para mag-recruit ng mga domestic helper na dadalhin sa Jordan.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply