Industriya ng sapatos sa Marikina pasisiglahin pa

ANG lokal na pamahalaan ng Marikina sa pamamagitan ng Marikina Shoe Industry Development Council (MASIDC) ay nagsagawa ng talakayang pinamagatang “SympoSHOEm” noong ika-23 ng Agosto sa Sentrong Pangkultura (Kapitan Moy Building).

Layon nitong mapagtibay ang pagtutulungan ng mga magsasapatos at ng lokal na pamahalaan ng Marikina upang mapasiglang muli ang industriya ng sapatos sa lungsod.

May temang “One Town, One Product: Balik-Sigla, Sapatos Marikina”, ang SympoSHOEm na dinaluhan ng mga magsasapatos at mga opisyal ng lungsod upang mas pagtibayin ang kanilang pangako sa naturang adhikain.

Dagdag pa rito, ang nasabing SympoSHOEm ay paghahanda na rin sa mga magsasapatos para sa muling isasagawang Shoe Caravan na isa sa mga aktibidad ng Sapatos Festival 2012. Ito ay bibisita sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila upang muling magbenta at magpakilala ng mga dekalidad na sapatos na gawang Marikina.

Ilan din sa mga tinalakay sa nasabing symposium ay ang sumusunod: Marikina Shoe Industry History (mula kay Dr. Loreto A. Santos ng Marikina Polytechnic College), Ups and Downs of the Shoe Industry (mula kay Mr. Roger Py ng the Philippine Footwear Federation Inc.), Pondo at Puhunan Para sa Pinoy (mula kay Mr. Joseph Ranola ng Center for National Budget), at One Town One Product (mula kay Mr. Ferdinand Manfoste, Assistant Regional Director ng Department of Trade and Industry).

“Inaasahan natin ang patuloy na pagsuporta ng mga magsasapatos sa ating adhikain na muling mas pasiglahin ang ating lokal na industriya. Sa SympoSHOEm na ito nais natin silang mas pag-isahin at mabigyan ng dagdag pang kaalaman upang makatulong sa kanilang negosyo,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Isinagawa rin ang pagpirma sa “Pledge of Cooperation, Commitment of Partnership” sa pagitan ng mga magsasapatos at ng lokal na pamahalaan ng Marikina.

Muling idaraos ang SympoSHOEm sa ika-21 ng Setyembre na dadaluhan ng mga opisyal ng 16 na barangay ng lungsod, at sa ika-26 ng Oktubre na lalahukan ng mga mag-aaral at guro.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply