Informal settlers, biktima hindi salarin

PASASABUGIN umano ni DPWH Sec. Rogelio Singson ang “informal settlers” na nakatira sa gilid ng mga ilog.

Ang matapang na pahayag na ito ni Singson ay agad niyang binawi matapos makatikim ng matinding batikos.

Diumano, ang kanyang tinutumbok ay ang mga konkretong istraktura sa gilid ng mga daluyan ng tubig o ilog.

Akala yata ni Sec. Singson, gustong-gusto at nasisiyahan ang mga “iskwater” sa kanilang kinalalagyan!

Na kinakailangan pang pasabugin bago lumayas.

Wala lang po silang mapuntahan Sec. Singson kaya sinusuong na lang nila ang panganib sa pagtira riyan sa mga lugar na pasasabugin mo.

Sandali lang, Ginoong Singson, bakit ba itong mga mahihirap ang pinagdidiskitahan   ninyo sa naganap na baha?

Sa totoo lang, hindi sila ang salarin, sila ay mga biktima ng baha, ng pangungurakot at kapalpakan ng pamahalaan!

Sec. Singson, bakit hindi mo muna pasabugin ang mga kurakot na mga opisyal ng DPWH na sumabotahe sa “mega flood control projects”?

Bakit hindi mo pasabugin ang utak ng mga illegal logger na kumakalbo sa kagubatan?

Bakit hindi mo pasabugin ang utak ng mga demonyong sangkot sa iligal na pagmimina?

Bakit hindi mo pasabugin ang utak ng mga taga-DENR na siyang palpak at kadalasan ay “tongpats” sa mga ito?

Sila, parekoy, ang tunay na salarin na dapat mong pasabugin ang mga bumbunan!  Hindi ang kawawang informal settlers!

Sabagay, sanay na, parekoy, ang mga kagaya nina Singson na “papuri” lang ang kayang tanggapin mula kay PNoy, pero walang “yagbols” na aminin ang kapalpakan. At ang mahihirap ang napakadali nilang isangkalan!

Dahil kung ang talagang pinatutungkulan ni Singson ay ang mga istrakturang nasa mga tabing ilog lalo na rito sa Metro Manila, bakit ang “informal settlers” lang ang kanyang pinagdidiskita-han? Ano ‘yang “department store” sa Marikina na sinakop na mismo ang ilog?

oOo

Pakinggan sa DZME-1530Khz ang aking programang  ALARMA-Kinse Trenta (Monday-Friday, 5-6pm). Para sa inyong reaction: 0909-8992775

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply