Ipasa na ang freedom of information bill

MULING ginising ang Kamara ukol sa panukalang batas sa Freedom of Information.

Apat na taon na kasing panukala ito sa Kamara ngunit hindi ito umuusad.

Sa taong ito, akalain ba nating minsan lang nagkaroon ng hearing dito.

Nakatatlong taon na rin sa paghahayag ng State of the Nation Address si Pangulong Noynoy Aquino ngunit wala pa ring nangyayari sa nasabing panukalang batas.

ILANG USAPIN SA FOI

Mahalaga ang FOI hindi lang sa mga mamamahayag kundi sa lahat ng mamamayan.

Sa pamamagitan ng kalayaan sa impormasyon, magkakaroon ng karapatan ang lahat na magbuklat ng rekord ng lahat ng transaksyon ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.

Maging ang pinakatago-tago nilang Statement of Assets and Liabilities ay pupuwede nating buklatin lahat.

Hindi kinakailangan ang whistle blower o insider upang malaman natin kung may mga kababalaghang ginagawa ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno.

Sapagkat makukuha ang rekord mula sa pamahalaan.

MAY LIMITASYON

Siyempre pa, may limitasyon naman ang kalayaan nating ‘yan.

Kung nakataya, halimbawa, ang seguridad ng buong bansa.

Ngunit mangilan-ngilan lamang ang mga sarado sa ating paningin na mga transaksyon ng mga nasa pamahalaan.

LABAN SA KORAPSYON

Kung magkakaroon ng FOI, mag-aalangan ang lahat ng mga korap at mandarambong na gumawa ng kalokohan.

Pati ang iba pa nilang krimen ay mabubuklat din.

Pupuwede pa ngang gisingin ang mga kalokohan nilang ginawa kung pupuwede pa at hindi tinamaan ng pres-cription period.

Sa prescription period, bawal ang pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaso kung lumampas na ang panahon para rito.

Pupuwedeng gisingin ang kalokohan nila kahit na wala na sila sa gobyerno o puwesto sa pamamagitan ng pagka-kalos sa halalan, pagpapa-talsik sa puwesto o pagre-retiro.

Ito na rin tiyak ang dahilan kung bakit inuupuan ng mga mambabatas ang panukalang batas na ito.

KOMISYON SA PORK BARREL

Parang sina Adan at Eba ang mga mambabatas.

May bunga ng puno na bawal nilang pitasin at kainin.

Eh marami ang mala-Adan at Eba riyan.

Marami ang pumipitas at kumakain sa bunga ng puno.

Ang bunga riyan ay ang pork barrel na galing sa buwis ng mamamayan.

Natutukso o sila mismo ang naghahanap ng tukso sa pork barrel.

Malaki ang kita ng mga mambabatas sa bawat proyekto na pinopondohan ng pork barrel.

Yung iba nga, para maibulsa nila ang lahat ng pondo, gumagawa ang mga ito ng ghost project.

‘Yung iba, nagtatayo ng mga kompanya para humawak sa mga proyekto.

‘Yung iba, kuntento na lang sa 20-50 porsyentong komisyon o tongpats.

P70M at P200M PROK BARREL

Kada isang taon, binibigyan ang kongresman ng halagang P70 milyon na pork barrel at ang senador ng halagang P200 milyon kada taon.

Sa loob ng tatlong taon, magkano ang kikitain ng kongresman o senador kaya sa kani-kanilang pork barrel?

Eh kung magtatagal ang kongresman sa siyam na taon sa pamamagitan ng reelection o ang senador sa 6-12 taon, magkano ang kanya-kanyang kita?

Kung 20-50 porsiyento ang kanyang komisyon o tongpats, walang duda na yayaman ang mga mambabatas na ito.

Eh kung nakopo nila ang mga kontrata sa pork barrel, lalong mas malaki ang kanilang kita.

At lalong malaki ang kanilang kita sa mga ghost o multong proyekto.

KAYA AYAW SA FOI

Yang nakawan o switikan sa pork barrel ang pangunahing dahilan kung bakit ayaw ng mga mambabatas sa panukalang batas na FOI.

Malalaman at malalaman kasi ng mamamayan ang mga pagnanakaw nila sa pork barrel na bahagi ng kaban ng bayan.

Kahit wala na sila sa puwesto, pupuwedeng kalkalin ang kanilang mga pagnanakaw at pandarambong at pupuwede silang masampahan ng kaso.

At kung masampahan sila ng kaso, kailangan nilang ibalik ang kanilang mga nakaw at tagong yaman.

Kaya ayaw talaga nilang maipasa bilang batas ang FOI.

FOI AT MEDIA

Siyempre pa, kabilang sa mga kakalkal sa mga transaksyon ng mga nasa pamahalaan ang media.

Saka nila iuulat ito sa bayan.

Pupuwede ring iulat sa bayan ang sumbong ng mga Uzi na nakaaalam sa rekord.

Dito, malinaw na ayaw nilang mabulgar ang katotohanan sa kanilang sari-sariling lugar o distrito kaya.

At lalong ayaw nila ang maibalita sa media na may kakayahang magbalita hindi lang sa
loob ng Pilipinas kundi sa ibang mga bansa.

Dito lang sa Remate, may international tayong edition sa pamamagitan ng online na Remate.

Ang tawag natin dito ay Remate International.

Malalaman hindi lang ng mga overseas Filipino worker kung paano ninanakaw ang kontribusyon nila sa ekonomiya na bilyon-bilyong dolyar.

Malalaman din lahat ito ng mga dayuhan na may pakialam sa nagaganap sa ating bansa.

FOI IPASA NA

Dapat na talagang ipasa ang FOI bilang batas.

Ito’y naaayon sa “matuwid na landas” na pinaiiral ni Pang. Noynoy Aquino.

O kilos na riyan!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply