Jesse M. Robredo Day ililipat ng Agosto 18

IMBES na Mayo 27 ang Jesse M. Robredo Day ay ililipat sa Agosto 18, ang mismong araw ng pagkamatay ng kalihim.

Sa panayam, kinumpirma ni Naga City Mayor John Bongat na ito ang isa sa mga naipasang ordinansa ng konseho.

Ang pinal na desisyon ukol sa paglilipat ng petsa ay kasunod nang pakikipag-usap nila kay Atty. Leni Robredo, ang maybahay ng yumaong opisyal.

Ngayong araw, balik normal na ang aktibidades sa lungsod ng Naga matapos  ilibing si Sec. Jesse Robredo kahapon ng hapon sa Eternal Gardens.

Kaninang umaga, nagkasa agad ng regular session ang sangguniang panglungsod ng konseho at inilatag ang mga plano kaugnay pa rin ng pagkawala ni Robredo.

Kasama rin sa ordinansang ipapasa ngayon sa sanggunian ay ang kanilang pagpapalit ng pangalan ng Naga City Coliseum bilang Jesse M. Robredo Memorial Coliseum.

Habang gagawin din nilang Jesse M. Robredo Institute of Local Governance ang Naga City Governance Institute.

Kinumpirma rin ni Vice-Mayor Gabby Bordado na lahat ng gamit at memorabilia ng dating alkalde ang pansamantalang ilalagay sa Raul S. Roco Library.

Subalit kanilang nakausap na si Sec. Ricky Carandang para sa funding ng gagawing building na iaalay kay Sec. Robredo upang maipakita ang pagbibigay halaga sa mga nagawa ng isang magaling na opisyal hindi lamang sa kanilang lungsod kundi para sa buong bansa.

Kahapon naging tahimik at maayos sa kabuuan ang naging libing ni Robredo na dinayo hindi lamang ng malalaking opisyal sa pamahalaan kundi maging ng maraming ordinaryong mga tao.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply