Kailangang ipamudmod ang grasya para triple ang balik!

NAGWAGI kayang best actor si Nico Antonio sa katatapos lang na Cinemalaya Independent Film Festival kung hindi kabilang sa mga nakakumpitensya n’ya si Eddie Garcia na siyang nagwagi para sa pagganap n’ya sa isang matandang bading sa entry na “Bwakaw”?

Siyempre pa, ang ilang mga reporter-reporteran at entertainment website editor-editoran (na ang pagiging payoladong publicist naman ang totoong hanapbuhay!) ay pabor na pabor sa anak ng pamosang abugadang Joji Alonso (na ang dating mister ay isang militar na Antonio ang apelyido) para siyang magwaging best actor sa Directors’ Showcase division ng festival.

At itaga n’yo ito sa bato: Magwawaging best actor si Nico next year mula sa isang grupo ng mga reporter-reporteran na matindi ang commitment (“pagmamalasakit” kuno!) sa mga mababait at mapagpalang prodyuser. Malamang nga ay tumabla siya kay Jericho Ejercito na ipinagprodyus naman ng butihing ama n’yang si Laguna Governor ER Ejercito ng entry para sa darating na Metro Manila Film Festival, ang Ben Tumbling. Sayang naman ang grasyang mapapala nila kung hindi nila bibigyan ng katabla si Nico. Pero posibleng sa kategoryang Breakthrough Performance by an Actor pagwawagiin si Nico at sa ibang kapuri-puring aktor na lang ipagkaloob ang tropeyo ng best actor.

Kailangan ay ipinamumudmod ang grasya ng mga award para tripleng grasya rin naman ang balik nito sa mga nagkakaloob ng parangal. (Hahahahahaha! how so very astute an observation! – Ed)

Isang preso nga pala ang papel ni Nico sa entry niyang Posas sa Cinemalaya. Ayon sa isang editor-editoran ng isang entertainment website na nag-i-Ingles-Inglesan pero lagi namang ungrammatical at unidiomatic ang mga pangungusap, magaling daw si Nico dahil may hubo’t hubad siyang eksena sa pelikula at hindi siya nagpa-double.

OMG! Napakalalim na batayan naman ang paghuhubad para sukatin ang galing umarte ng isang aktor. Malalim na malalim. Kasing lalim yan nung batayan ng isang reviewer-kuno sa pagdideklarang napakaganda raw ng The Healing ni Chito Roño dahil napaka-violent nito, higit na mas violent sa mga naunang horror films ni Direk.

Napakalalim, ‘di ba?!

Mabuti pa si Atty. Alonso, ang basehan n’ya na magaling umarte ang anak n’ya ay ang pagiging sikat na actor daw ni Nico sa Ateneo (de Manila po, ‘di po de Batanes, dahil wala namang Ateneo ru’n) nung nag-aaral pa siya ru’n. Hindi nilinaw ng milyonaryang abugada kung nung elementary, high school, o college nag-aral sa Ateneo ang anak n’ya at noon n’ya napatunayan na mahusay pala itong aktor at karapat-dapat n’yang ipagprodyus ng pelikula dahil walang nakakaisip na kunin ito na aktor. Pero, at least may matinong basehan naman ang milyonaryang ina sa pagsasabing may ibubuga sa acting ang anak n’ya kesa sa bopol na editor-editoran ng isang bopol na entertainment website.

At oo nga pala, palabas na ngayon sa SM City ang Posas na magandng pelikula naman siguro dahil nagwaging best director ang tagapapamahala nito na si Lawrence Fajardo. Tinalo ni Lawrence ang mga beteranong direktor na gaya nina Joel Lamangan, Joey Javier Reyes, at Maryo J. de los Reyes na may entries din sa katatapos lang na festival. Mukhang ang Posas nga, among the Cinemalaya entries, ang kauna-unahang nakakakuha ng booking for commercial release.

At oo nga pala uli, kung ‘di man nagwaging best actor si Nico, ang kontrabida n’ya sa pelikula na si Art Acuña ay itinanghal naman na best supporting actor. Pangalawang tropeyo na ni Art yon sa Cinemalaya. Last year, nagwagi rin siyang best supporting actor para naman sa pagganap n’ya bilang mandurugas na anak at pinsan sa entry na Niño.

Para sa ikasisigla ng sining at industriya ng pelikula dito sa bansa, dalas-dalasan pa sana nina Atty. Joji Alonzo at Laguna Governor ER Ejercito ang pagpoprodyus nila ng pelikula para sa kanilang mga minumutyang anak.

Siguro ay twice or thrice a year na nila ipagprodyus ng pelikula sina Nico at Jericho. Pwede rin sigurong magsosyo ang dalawang milyonaryong magulang at pagsamahin sa isang pelikula ang mga anak nila. Marami silang mabibiyayaang publicists, directors, at iba pang mga alagad ng pelikula kung dadalas-dalasan nila ang pagbibigay-hilig sa mga anak nila. Maraming kikita. Maraming magkapera. Everybody happy! Mabuhay si Attorney Joji!

Mabuhay si Governor ER!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply