Kailangang maglinis si PNoy sa SBMA

KINASUHAN na ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chair & Administrator Roberto V. Garcia si SBMA Business & Investments Group head Stefani Saño kaugnay ng issue sa naging kontrobersiyal na P450 M halaga ng bigas na naka-tengga ngayon sa Subic Bay Freeport.

Una nang kusang nag-leave si Saño kasabay ni SBMA Port Operations head Redentor Tuazon para hindi raw sila makasagabal sa isinasagawang imbestigasyon ng komiteng binuo sa pamumuno si SBMA Director Philip Camara.

Ito Ang Totoo: ikinandado ni Saño ang kanyang opisina nang mag-leave siya kaya hindi mahagip ng komiteng nag-iimbestiga ang mga dokumento at iba pang dapat tingnan na
mga pinaggagagawa nito.

No problem, yabang ni Garcia dahil hindi lang daw niya ipadidistrungka ang kandado, babasagin pa raw niya ang bintana ng opisina ni Saño kung kailangan.

Palakpakan, astig!

Mukhang galit talaga si Garcia dahil naglaglagan sa kanyang harapan sa Senado si Saño at Tuazon at sa tingin niya, may pananagutang administratibo ang dalawa kaya niya kinasuhan at inilagay sa preventive suspension kahit naka-leave na.

Tolongges talaga si Garcia.

Kung nag-iisip itong sina Garcia hindi niya dapat basta na lang pinag-leave si Saño, bagkus ipina-turn-over muna sana lahat ng dokumento at iba pang bagay para opisyal ang pagkakakuha.

Ang pag-giba sa pintuan ng opisina ni Saño para makuha ang mga dokumento at iba pang bagay na mahalaga ay hindi tamang pamamaraan dahil pwedeng itanggi ni Saño ang anomang makukuha sa opisina niya at malaking tsansa na hindi na maging katanggap-tanggap na ebidensiya laban sa kanya.

Dahil naka-leave na, hindi na basta matawagan si Saño para buksan ang opisina niya at mag-turn-over ng kung anomang kailangang i-turn-over.

Pangulong Noynoy Aquino, tingnan po ninyo ang utak, o kawalan nito, ng in-appoint niyo sa SBMA, hindi po ba pawang bara-bara?

Gaya ng una na nating sinabi, naniniwala tayong makasariling interes sa pulitika ang habol ni Customs Commissioner Ruffy Biazon kaya sinamsam ng wala sa lugar ang rice shipment mula sa India at wala pang smuggling na nagaganap kaugnay nito.

Pero naniniwala rin tayo, na dapat ngang mawala na sa SBMA sina Saño at Tuazon dahil sa marami ng naunang kuwestiyonableng mga transaksiyon nila, gano’n rin ang mga bara-barang SBMA officials na tulad ni Garcia na ayon kay Senate President Johnny Enrile ay hindi marunong magpatakbo ng Freeport. Ito Ang Totoo!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply