Kaso ng dengue umabot sa 60,000; inaasahang tataas pa

SA PINAKAHULING talaan ng Department of Health (DOH), umaabot na sa mahigit 60,000 ang mga tinamaan ng dengue ngayong taon at 388 dito ang kumpirmadong namatay.

Ayon sa DOH, inaasahang tataas pa ang kaso ng dengue ngayong Agosto hanggang Setyembre na itinuturing na “peak months” ng nasabing nakamamatay na sakit, lalo na kung magsasawalang-bahala ang publiko hinggil dito.

Sinabi ni Dr. Eric Tayag ng DOH, tuwing buwan ng Agosto hanggang Setyembre, ay mas marami ang nadadale ng nasabing nakamamatay na sakit na dulot ng kagat ng lamok na Aedes Aegypti at Aedes Albopictus

Pinapayuhan pa rin ng DOH ang mga mamamayan na tiyaking walang breeding area ng mga lamok sa mga tahanan gaya ng mga lalagyan ng tubig na walang takip, flower vase, lumang gulong at iba pa na maaaring malagyan ng stagnant water. Itaob ang mga ito upang hindi magkaroon ng stagnant water kung saan nangingitlog ang mga lamok.

Kapag natuyo na ang mga nilabhang damit ay kailangang tupiin agad ang mga ito, dahil gustong-gusto ng mga lamok sa mga mamasa-masang lugar gaya ng sampayan.

Lagi ring naglalagi ang mga lamok sa mga dark area ng ating bahay kaya naman para maiwasan ang mga ito sa loob ng bahay ay panatilihing malinis ang loob ng bahay, maging sa labas o sa paligid. Puksain din sila sa pamamagitan ng pag-i-spray ng pamatay-lamok.

Sintomas

Ang pasyenteng nadale ng dengue ay kakikitaan ng mga sintomas gaya ng mga sumusunod:

– mataas na lagnat
– mapupulang rushes
– pagdudugo ng gilagid, ilong
– may maitim na dumi
– pagsakit ng ulo, katawan at kasu-kasuan

Payo ng mga doktor at ng DOH sa oras na makita ang alinman sa mga sintomas ay agad na ipatingin sa doctor ang pasyente.

Pag-iwas

– maaaring gumamit ng mosquito repellant lotion lalo na sa mga bata
– magsuot ng mahahaba
– palakasin ang resistensiya sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiyang pagkain
– panatilihing malinis ang loob, labas at paligid ng tahanan

Sa ngayon, wala pa talagang gamot ang dengue, ngunit maraming paraan para ito ay maiwasan at ito ay nakasalalay sa ating mga kamay.

Sa dengue, ang ginagamot ay ang mga sintomas. Kailangan magamot ang sintomas upang maiwasan ang paglala nito na posibleng mauwi sa pagkamatay.

Tandaan na nakadepende sa dengue patient ang kanyang paggaling at maging sa kanyang tagapag-alaga (magulang, guardian).

Ang mga bata ay mas mahina kaysa sa mga matatanda, kaya naman dapat na ingatan natin sila upang hindi sila magkasakit o madale ng dengue.

Lagi ring isaisip na maaaring mauwi sa kamatayan ang sakit na ito kapag napabayaan at hindi agad na-detect.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply