Kelot pinagbabaril, tigok

PATAY ang isang 30-anyos na tricycle driver ng pagbabarilin ng dalawang armadong hindi nakilalang mga salarin habang naglalakad papauwi kasama ng kanyang dalawang kapatid galing sa isang birthday party sa Taguig City.

Dead on arrival sa Taguig Pateros District Hospital ang biktimang si Rexford Chavez, binata, ng Blk 137 Lot 11 Purok 1, Brgy Upper Bicutan, Taguig City sanhi ng dalawang tama ng bala sa kanyang ulo.

Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang armadong suspect na agad tumakas matapos ang pamamaril sa biktima.

Batay sa isinumiteng ulat kay S/Supt. Tomas Apolinario Jr., hepe ng Taguig Police Station, dakong alas-8:40 ng gabi ng maganap ang insidente sa Rajah Sumalawil St., Purok 1, Brgy Upper Bicutan.

Sa salaysay ni Raymond Chavez, kapatid ng biktima, papauwi na silang magkakapatid kabilang ang biktima at isa pa nilang kapatid na si Ryan galing sa isang birthday party nang sumulpot sa kanilang likuran ang mga suspect at walang sabi-sabing pinagbabaril si Rexford.

Duguang bumulagta ang biktima habang mabilis na nagsitakas ang mga suspect.

Isinugod sa nabatid na ospital ang biktima ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pamamaslang gayundin ang agarang ikadarakip ng mga nakatakas na suspect.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply