Kukulangin sa bigas ang Pinas sa El Niño

HINDI natin pinangungunahan ang ating gobyerno ukol sa kinatatakutang El Niño na dadapo sa mahal kong Pinas simula sa susunod na buwan hanggang Disyembre.

Pero ito ang masasabi natin: baka kukulangin tayo ng bigas sa mga darating na buwan o taon dahil sa El Niño na nagpapabago sa  ating panahon.

Sa El Niño, nagiging tag-araw ang tag-ulan at sinisira nito nang todo ang ating mga palayan gaya ng naranasan na natin sa ilang nakaraang panahon.

IMPORTASYON NG BIGAS

Para sa atin, nanatiling panaginip ang sinasabi ng mga kinauukulan na kaya nating umani ng sapat na bigas para sa pambansang kailangan natin.

Lalo na sa taong ito na napakalawak na palayan ang sinira ng mga bagyo at habagat. Ibig kong sabihin, dapat mag-isip na ang pamahalaan  kung paano ito magkakaroon ng pagkukunan ng bigas sa labas ng bansa.

Kahit naman kasi maganda ang ating ani, nananatili pa rin tayong taga-angkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Hindi nga lang katulad noong panahon ni Aling Gloria na ang importasyon ng bigas ay may halong pandaraya sa kaban ng bayan at pagsasamantala sa merkado.

Nag-i-import tayo dahil kulang talaga ang ating ani kumpara sa pangangailangan ng sikmura ng mga Filipino.

WALANG PAMBILI

Sa pagkuwenta-kuwenta ng gobyerno, okey lang umano ang pinagsamang ani ng ating mga magsasaka at imported na bigas.

‘Yun bang === wala nang magugutom.

Pero para sa atin, hindi ito akma sa tunay na pangangailangan ng mamamayan na gustong maging malusog sa pagkakaroon ng sapat na bigas para isaing.

NABUBUHAY SA LUGAW

Sa ibang salita, kung isasama ang mga nabubuhay sa lugaw at 1/4 o 1/2 lang ang kayang bilhing bigas, malaki-laki ang kailangan nating bolyum ng butil.

At alam ba ninyong, napakarami mismo sa mga magsasaka ang walang maisaing na bigas makaraan silang umani?

Dahil sa pagkakalubog nila sa utang sa mga usurero at dobleng pagtatanim at gastos dahil sa mga bagyo, habagat at baha.

Kaya dapat na tiyakin ng gobyerno na may sapat tayong bigas na pupuwedeng ipansapin ng mga naghihirap sa kanilang mga sikmura.

Lalo na ngayong posible na masira ang ating mga pananim dahil sa nakaambang El Niño.

WALANG PAMBILI

Ang isang malaking pangamba ng maraming bansa sa El Niño ang dapat nating isipin.

Ngayon pa lang kasi ay kinakabahan na ang India, Japan at iba pang bansa na nagpo-produksyon ng bigas na baka tamaan din sila ng krisis sa bigas.

Ibig sabihin nito, posibleng wala tayong mabibili sa mga bansang pinagkukunan natin ng bigas.

Kasi tiyak na pipigilan ng mga gobyerno riyan ang anomang pagluluwas o pagbebenta ng bigas sa labas ng kani-kanilang mga sariling bansa.

Higit nilang bibigyan ng pagpapahalaga ang sarili nilang mamamayan kaysa ang mga dayuhan. ‘Di bale nang magkagutom-gutom ang iba, huwag lang sila.

DA AT NFA DAPAT KUMILOS

Dalawang ahensya ng pamahalaan ang dapat na kumilos para matiyak na hindi daranasin ng Pinas ang krisis sa suplay ng bigas.

Ang tanong ngayon sa Department of Agriculture ay: ano-ano na ang mga inihahanda nitong tulong sa mga magsasaka upang hindi masira ang kanilang mga pananim oras na tumama ang matinding tag-araw?

Heto ang isang punto.

Ayaw na ng maraming magsasaka ang umasa sa patubig na galing sa paggamit ng petrolyo dahil sa napakamahal ito.

Malulugi na kasi sila, mababaon pa lalo sila sa utang dahil sa doble-doble nilang pagsasaka.

Tulad ng ikinuwento sa atin ng mga magsasaka na nakausap natin, dram-dram palang gasolina o diesel ang uubusin mo para isang ek-tarya sa loob ng nasa tatlong buwan bago ka umani sa ikaapat na buwan.

Sa tubig kasi nabubuhay ang palay hanggang sa magbunga at mahinog ang bunga nito.

SAAN AANGKAT?

Isa sa mga pangunahing tungkulin ng National Food Authority, kasama ang DA, ang pagtitiyak ng pagkukunan ng bigas sa oras ng kagipitan.

Para sa DA, sapat na ani mula sa mga palayan ang inaasahan.

Kaya naman tungkulin nitong tulungan ang mga magsasaka sa pagkakaroon ng magandang ani.

Eh ang NFA?

Tulad ng dati, maaaring maghanap ito ng mapagkukunan ng bigas mula sa ibang mga bansa.

Nangangamba ang mga bansa sa Asya at Pasipiko, kabilang na ang Australia, na sisirain ng El Niño ang mga palayan, kasama na ang iba  pang pananim gaya ng mais at trigo.

Saan dapat tumakbo at mag-uwi ng sapat na bigas ang NFA?

PONDO SA BIGAS AT PAGSASAKA

Kabilang sa mga pinakamahalaga na dapat ihanda ng pamahalaan ang pondong bayan para sa pagsasaka at pagbili ng bigas.

Ngayon pa lang ay dapat nang ihanda ito ng dalawang ahensya. Kung kukulangin, dapat nang may pampuno.

Hindi pupuwedeng saka na lang magkarambola sa paghahanap ng pondo ang mga ahensyang ito kung nandiyan na ang problemang El Niño.

‘Yang pagpapapogi ng mga politiko at kandidato sa halalang 2013 gamit ang kamatayan ni DILG Secretary Jesse Robredo ay dapat na sumali na sa pag-iisip ukol sa posibleng krisis sa sikmura ng sambayanan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply