Kulang sa timbang

NORMAL lang na bigyan ng panahon ang bagong upo sa tungkulin upang mabigyan ng kaukulang pansin at aksyon ang mga bagay-bagay sa kanyang nasasakupan.

Ito Ang Totoo: Si Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chair & Administrator Roberto V. Garcia ay may sapat na panahon na bilang batayan ng panukat sa kanyang panunungkulan.

Unang tanong: May bago bang malaking negosyo tulad ng Hanjin na pumasok sa Subic Freeport sa panahon ng kanyang panunungkulan?

Pangalawa: Nakahuhulagpos ba ang SBMA sa taunang pagkalugi mula pa sa panahon ni naging Senador Richard “Dick” Gordon?

Pangatlo: Natigil na ba ang pamamahagi ng libre ng mga lupain at mga gusali ng SBMA sa mga pinapaborang indibiduwal tulad ni Ms. Mina Gabor na libreng inookupahan ang makasaysayang Blain Theatre na tanghalan at sinehan ng U.S. Navy noong base pa nito sa Pilipinas ang Subic.

Bukod sa Blain Theatre, si Ms. Gabor ay may nakatiwangwang ding mga gusali at lupain sa may Cubi Point at isa pa sa dating Naval Magazine (NAVMAG) ng U.S. Navy, na naka-reserve para sa kanyang eskuwelahang walang mag-aaral at nasa kanyang isip lang.

Pang-apat: Naisaayos na ba ang sala-salabat na katungkulan, responsibilidad at kapangyarihan ng mga opisina tulad ng Regulatory Group, Business & Investments Group at marami pang iba? Ito na muna, saka na ang isang-libo at isang tanong pa. Wala namang sagot sa mga ito kundi pawang negatibo.

Sa unang tanong, wala na ngang pumapasok na malaking bagong negosyo, pinahihirapan pa ang mga nasa Freeport na, tulad halimbawa ng planong pagsingil ng “Common Use Service Area” o CUSA na ipinoprotesta ng mga locator at investor.

Sa pagkalugi, walang malinaw na hinaharap o plano para maiahon ito bagamat ang problema ay minana lang ni Garcia sa mga nauna nang namuno sa SBMA na puro porma, kurakot at pagsasamantala.

Sa mga libre, walang aksyon si Garcia sa kaibigan niyang si Mina at mga kagaya nitong nagpapasasa sa libreng gamit ng lupa at gusali sa Freeport, ang iba’y libre pati kuryente at tubig, sagot ng SBMA, sa madaling salita, sagot ng taumbayan.

Nito ngang nakaraang “Maritime Summit” ng naglalakihang mga negosyo sa buong mundo, ipinalibre na ang 12,000 square meters na floor area ng Subic Bay Exhibit & Convention Center (SBECC), libre pa ang kuryente at tubig sa dalawang araw na aktibidad, minimum ng apat na araw kung bibilangin ang preparasyon sa pagbubukas at pagkatapos pagbabaklas ng mga istruktura.

Ang sala-salabat na “functions” ng iba’t ibang tanggapan ng SBMA ay patuloy na lumilikha ng kalituhan at ugat ng “corruption,” bagay na hanggang sa ngayon si Garcia ay walang aksyon.

Dito pa lamang kung si Garcia ay ititimbang, tiyak na siya bilang hepe ng SBMA sa timbang ay kulang. Tutal, hilig niya naman, tama lang na siya ay mangisda na lang. Ito Ang Totoo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Face-book http://www.face-book.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/14387620-9055760

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply