La Union lubog sa baha; rescue operations tuloy-tuloy

LA UNION – Iniulat ngayon ng Office of the Civil Defense (OCD) Regional Center-1 na 80 porsiyento ng lalawigan ang lubog sa baha dahil sa patuloy na pag-ulan at naganap na flashflood.

Dahil dito, patuloy ang ginagawang rescue operations ng mga ang lokal na Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan sa mga nalubog sa baha simula pa kagabi dahil sa walang humpay na pag-ulan na dulot ng Tropical Storm Helen.

Tumulong na rin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga bayan na lubog sa baha sa San Fernando at Bauwang.

Ayon kay Lt. Commander Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, ang grupo ay hinati sa apat na kabilang ang mga diver at response group.

Sa ulat ni Melchito Castro, ng OCD Regional Center-1, halos lampas sa bubungan ng bahay ang lalim ngayon ng tubig-baha sa iba’t ibang bayan sa nasabing lalawigan.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa OCD, ang ilang mababang lugar sa mga bayan ng Bangar, Luna, Bacnotan, Bauang, Caba, at lungsod ng San Fernando ang malubhang apektado ng sama ng panahon.

Samantala, hindi na madaanan ang national road sa lalawigan ng kahit na anong uri ng sasakyan dahil sa taas o hanggang baywang na lalim ng tubig baha at nangyaring landslide sa bayan ng Caba, La Union.

Ilan sa mga barangay ngayon ang isolated na rin dahil sa pagguho at pagharang ng lupa sa gitna ng kalsada.

Daan-daang motorista naman ang naistranded at mas minabuti na lamang ng mga ito ang magpalipas ng gabi loob ng kanilang sasakyan dahil sa naturang kalagayan ng kalsada.

Samantala, ilang bayan sa lalawigan ng Ilocos Norte ang nawalan ng suplay kuryente dahil sa magdamag na buhos ng ulan dulot ng bagyo.

Ayon sa Ilocos Norte Electric Cooperative, naapektuhan ang ilang linya ng kuryente dahil sa pagkidlat at malakas na ulan.

Sa ulat ng Bombo Radio Laoag, kabilang sa mga apektadong bayan ay ang Paoay, Batac City at Laoag City.

Naiulat naman ang patuloy na pagtaas ng water level sa mga pangunahing ilog sa lalawigan dahil pa rin sa mga pag-ulan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply