Labas si Vice Gov. Daniel sa problema nina Ariel at Cristina!

MARAMING haka-haka sa tunay na dahilan ng paghihiwalay ng komedyanteng si Ariel Villasanta at asawa nitong businesswoman na si Cristina Castillo kamakailan lamang.

Nagsimula sa isang maliit na bagay lang. Isang tampuhan na pumutol sa maganda nilang pagtitinginan at pagmamahalan na isa kami sa buhay na saksi.

Alam namin kung gaano nila kamahal ang bawat isa at hindi kami naniniwala sa mga nasusulat na may third party na involved sa nasabing hiwalayan at ito nga ay ang pagli-link ngayon kay Cristina sa Bise Gobernador ng Bulacan na si Daniel Fernando.

Hindi kasi basehan ang deklarasyon ni Cristina sa ibibigay niyang suporta kay Vice Gov. Fernando sa kandidatura nito sa darating na elesyon para sila iugnay. Kaharap kami nang sabihin ng dating maybahay ni Ariel na bilang isang Bulakeña ay handa siyang sumuporta kay Daniel dahil naniniwala siya sa magandang gawaing ibinibigay nito sa kanilang mga kababayan at sa kabutihan ng kalooban nito.

Sa katunayan nga, bilang endorser ng Mapecon ay magsasagawa sila ng pagbobomba sa iba’t ibang lugar sa Bulacan laban sa mga lamok na nagdudulot ng sakit na dengue. Dahil din sa nakabili si Cristina ng isang warehouse sa Guiguinto, Bulacan na gagawin niyang pabrika ng furnitures ay hiniling niya kay Vice Gov. Daniel na ang opisina nito ang siyang kukuha ng mga trabahador mula sa kanilang lalawigan upang makapagbigay ng trabaho sa kanilang mga kababayan.

Sa panig naman ni Ariel, hindi siya naniniwala sa mga lumalabas na balita dahil buo ang tiwala at respeto niya sa dating asawa. Naging tapat ito sa kanya at sa katunayan alam niya ang mga taong nagpaparamdam kahit na noong sila ay nagpakasal na dahil sa sinasabi itong lahat ni Cristina sa kanya.

Nasasaktan si Ariel sa mga banat kay Cristina dahil parang pinapalabas na ito pa ang naging kontrabida sa kanilang paghihiwalay gayong sila lamang talaga ang nakaaalam kung ano ang tunay na dahilan. Ang hiling ni Ariel, sana siya na lang ang gawing kontrabida dahil naaawa siya sa dating asawa kasi nga alam niyang isang mabuti at mapagmahal na tao si Cristina.

Labis-labis pa nga ang pasasalamat ni Ariel sa ipinakitang pagmamahal at pag-aaruga sa kanya at kay Mommy Elvie ng kanyang asawa.

Nalulungkot din si VG Daniel sa ginagawang pag-uugnay sa kanya kay Cristina. “Huwag naman sanang haluan ng malisya ang pagpapahiwatig ni Madam Cristina ng pagtulong sa akin at sa aming mga kababayan dito sa Bulacan. Isang respetado, mabuting tao at may takot sa Diyos ang taong ito. Gusto lang naman niyang i-share sa kanyang mga kababayan ang kanyang blessings at ang malaking tiwalang ibinibigay niya sa aking panunungkulan,” nasambit ni Daniel ng makausap namin sa kanyang opisina.

“Sobra-sobrang nga ang aking pasasalamat sa kanya dahil malaking bagay para sa aming mga kababayan ang trabahong malilikha ng itatayo niyang pabrika ng muebles para sa kanyang Muebles de Cristina, kaya naman susuportahan namin ni Gov. Willie Alvarado ang kanyang adhikain dito sa aming lalawigan. Kaya sana tigilan na nila ang pag-iisip na may namamagitan na sa amin ni Madam Cristina. Nakahihiya sa kanya at kay Ariel na isa ring mabuting tao,” pagtatapos ni Vice Gov. Daniel.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply