Labi ni Sec. Robredo nasa Malakanyang na

(UPDATE) PINANGUNAHAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang arrival honors para kay Interior Secretary Jesse Robredo sa Malakanyang kung saan ang Presidential Security Group (PSG) ang siyang naggawad ng full military honors.

Pasado alas-onse ng tanghali nang dumating ang funeral cortege ni Robredo sa Malakanyang na agad na sinalubong ng walong military personnel.

Tinanggap ni Pangulong Aquino at naiwang pamilya ni Sec. Robredo sa pangunguna ni Atty. Leni Robredo, asawa ng kalihim ang labi ng kanyang asawa.

Gaya ng inaasahan agad na sinimulan ang seremonya kung saan binuhat ng walong casket bearers at anim na honorary pallbearers mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang labi ng kalihim.

Nagsagawa rin ng 19-gun salute at pagkatapos ay dinala sa loob ng Kalayaan Hall ang casket kung saan ibuburol hanggang Linggo ng umaga.

Tanging ang mga kamag-anak, kaibigan at mga opisyal ng pamahalaan muna ang hinayaang makapasok sa Kalayaan Hall habang mamayang alas- 7:00 ng gabi hanggang alas-11:00 ng gabi naman ang public viewing.

Nauna nang sinabi ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) Undersecretary Manuel Quezon III na gagamitin ng mga ordinaryong mamamayan na makikiramay sa pamilya Robredo ang Gate 7, ang Gate 6 naman ay para sa mga kaibigan at kamag-anak ng kalihim habang ang Gate 4 naman ay gagamitin para sa mga magbibigay ng donasyon gaya ng pagkain at bulaklak.

Ani Quezon, walang dress code ang ordinaryong Juan dela Cruz na nais na makita sa huling sandali si Sec. Robredo.

Samantala, muling ipinaalala ni Usec. Manolo ang pakiusap ng biyuda ni Sec. Robredo na kung may magbibigay ng donasyon sa kanya at sa kanyang pamilya ay mangyaring ibigay na lamang sa foundations na tinutulungan ng namayapang kalihim.

Ito ay ang Physicians for Peace Philippines Inc.,lalo na iyong Walking Free and Resource Center for the Blind programs kung saan aniya ay ang contact person ay si Dr. Josephine Robredo– Bundoc habang ang pangalawang charity ay ang Missionaries for the Poor at ang Project Jose.

“Sa mga nagnanais pa ring magpadala ng bulaklak sa Malacañang, pwede niyo po ito ipadala sa Gate 6 simula ng umaga ng Biyernes, August 24. Ang buong schedule po na ito at kung ano pa ang magiging updates ay ipo-post doon sa Official Gazette website: www.gov.ph/salamatjesse/the-wake/.,” ayon sa opisyal.

Ang public viewing naman bukas, Sabado ay magsisimula ng alas- 8:00 ng umaga at magtatapos ng alas- 5:00 ng hapon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply