Lahat ng anggulo sisilipin sa ‘plane crash probe’

TINIYAK kaninang umaga ng Civil Aeronautics Authority of the Philippines (CAAP) ng binuong composite team na walang palalampasing anggulo hinggil sa posibleng dahilan nang pagbagsak ng Piper Seneca plane na sinakyan ni Interior Sec. Jesse Robredo.

Una rito, lumutang ang anggulong posibleng “sub-standard” na aviation fuel ang iginasolina sa naturang eroplano kaya pumalya umano ang isa sa mga makina nito.

Batay sa isang ulat, tinukoy na ang standard fuel para sa isang twin-engined planes katulad ng Piper Seneca I ay Jet A1 aviation gas, subalit naging kalakaran na umanong haluan ito ng motor gasoline para makatipid.

Tinukoy din sa nasabing report na naisumbong na umano kay Sec. Robredo ang nabanggit na anomalya sa CAAP bago pa man nangyari ang malagim na aksidente.

Kahapon, bumuo na si CAAP Director Gen. William Hotchkiss III ng grupo na siyang mag-iimbestiga sa nangyaring plane crash.

Sa panig naman ni Transportation Sec. Mar Roxas, sinabi rin nito na magiging fact-finding ang gagawing imbestigasyon ng CAAP.

Ayon kay Sec. Roxas, aalamin sa imbestigasyon ang kabuuan ng pangyayari at kung ano ang posibleng sanhi ng aksidente.

Aalamin din aniya kung bakit hindi gumana ang ELT o electronic location transmitter ng eroplano na nagresulta kaya tumagal ang paghahanap sa wreckage ng eroplano.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply