Leptospirosis patients, sakop ng PhilHealth

AWTOMATIKONG sakop ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga indibidwal na mula sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha dahil sa habagat at tinamaan ng sakit na leptospirosis, kahit pa hindi sila miyembro nito.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, batay sa PhilHealth Circular 39 series of 2012, ang mga non-members na naninirahan sa mga lugar na sinalanta ng mga pagbaha ay pagkakalooban ng benepisyo sa ilalim ng PhilHealth Sponsored Program members/beneficiaries.

Ang mga non-members naman na wala pang 21 taong gulang at ang kahit isa man lang sa magulang ay miyembro ng PhilHealth ay awtomatikong sakop na rin nito.

Nangangahulugan ito na hindi na sila pagbabayarin pa ng premiums at ikukonsidera nang miyembro ng PhilHealth mula Agosto 1, 2012 hanggang Hulyo 31, 2013, na may number card.

Ang naturang pribilehiyo ay aplikable sa lahat ng admission simula Agosto 7 hanggang katapusan ng buwang ito.

Nakasaad naman sa PhilHealth Circular 40 series of 2012, ang case rate na P 11,000 ay babayaran para sa moderate leptospirosis na maa-admit sa mga pagamutan simula Agosto 7, habang ang malala o severe leptospirosis ay maaring mag-reimburse ng fee para sa serbisyo.

Ang mga Sponsored Program members at beneficiaries naman, kabilang ang 5.2 million poorest families na tinukoy National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) ng Department of Social Welfare and Development ay sakop ng ‘no balance billing policy’.

Nangangahulugan ito na walang karagdagang bayad na magmumula sa member o sa beneficiary nito.

Batay sa latest data ng Department of Health(DOH)-National Epidemiology Center (NEC), nabatid na may kabuuang 2,471 leptospirosis cases nang naiulat sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Agosto 18 ng taong ito, kung saan ay 121 ang iniulat na nasawi.

Ito’y mas mataas ng 62% kumpara sa naitalang 1,522 kaso sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Nabatid na karamihan sa mga kaso ay mula Region 10 o Northern Mindanao (38.8%), Region 6 o Western Visayas (18.7%), at sa National Capital Region (7.8%).

Itinaas na rin ng DOH ang code blue alert sa Metro Manila matapos na makapagtala ng mataas na kaso ng sakit mula Agosto 5 hanggang 22 lamang na umabot ng 783 kaso na may 34 patay.

Itinaas umano ang alerto bilang paghahanda sa inaasahang pagdami pa ng kaso ng sakit.

Mahigpit din ang monitoring ng DOH sa area ng CAMANAVA na pinaka-naapektuhan ng baha dahil sa posibleng pagkakaroon ng outbreak ng leptospirosis.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply