Loren takot nang sumakay sa light aircraft

TULUYAN nang nagkaroong ng stigma sa isang senador ang nangyari sa sinasakyang eroplano ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na bumagsak sa karagatan ng Masbate nitong Sabado.

Sa panayam nitong Lunes, sinabi ni Senador Loren Legarda na hindi na siya muling sasakay sa maliliit na eroplano tulad ng twin-engine Piper Seneca aircraft na sinakyan ni Robredo na bumagsak.

Kasalukuyan pang pinaghahanap ang katawan ni Robredo kabilang ang dalawang piloto nito na hindi pa nakikita hanggang ngayon, ayon sa mga awtoridad.

Dahil sa nangyari kay Robredo, nagkaroon na ngayon ng phobia si Legarda kaya’t mamarapatin niyang sumakay nang mas malaking eroplano.

“Hindi na!” diin ni Legarda.

Pero ang dating mga sundalong sina Senador Antonio Trillanes IV at Gregorio “Gringo” Honasan, sasakay pa rin sila sa mga maliliit na eroplano.

“Naniniwala ako na kapag oras mo na, hindi mo na ito maiiwasan,”ani Trillanes.

“Mag-ingat lang at maniguro sa weather. Tiyakin ang kakayahan ng eroplano at piloto at importansiya ng lakad o biyahe na lagi naman dapat gawin sa lahat ng biyahe lalo na kung public official na maraming trabaho at lakad,” ayon naman kay Honasan.

Nauna nang sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na dapat magsilbing aral sa mga public official ang nangyari sa sinakyan ni Robredo, kung saan ang mga government official lalo na ang miyembro ng Gabinete ay hindi dapat sumasakay sa maliliit na eroplano.

Ang sinakyan ni Robredo ay isang twin-engine Piper Seneca plane na patungo sa Naga mula Mactan Airport noong Sabado pero nagkaaberya at nag-crash sa dagat na sakop ng Masbate.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply