Lumilipad na kabaong at kainutilan sa disgrasya

KINILABUTAN tayo, mga -Bro, sa pagbagsak ng eroplano na sinakyan ni DILG Secretary Jesse Robredo na galing ng Mactan airport sa Cebu.

Bumagsak ang eroplano ng may  200 metro mula sa Masbate City sa Masbate at lumubog ito sa dagat na may lalim na 150 piye.

Nakaligtas ang aide-de- camp niyang si Police Sr. Insp. Jun Abrazado.

Subalit si Sec. Robredo at dalawang piloto ng naturang eroplano  ay patuloy na hinahanap.

LUMILIPAD NA KABAONG

Pang-ilan na ba itong pagbagsak ng eroplano sa Pinas?

Naku, hindi na mabilang.

Basta ang natatandaan natin, si Pangulong Ramon “Mambo” Magsaysay ay namatay sa bumagsak na eroplano.

May panahon naman na sunod-sunod ang mga military plane, lalo na ang mga helikopter, na bumagsak at mga heneral at iba pang matataas na opisyal ang namatay.

Si Tata Jo Capadocia na isang haligi ng National Press Club at apat na iba pa ay namatay rin sa helicopter crash sa Baguio.

PRIVATE PLANE BANTAYAN

Itong sinakyan ni Sec. Robredo na nagpunta sa Mactan, Cebu at lumipad patungo sa Naga City ay private plane.

Ilang private plane na ba ang bumagsak?

Magandang maglabas ang mga awtoridad ng rekord para naman maging gabay ng mananakay ng eroplano sa kanilang desisyon kung sasakay sila ng mga private plane na maliliit gaya ng Cessna plane na sinakyan nina Sec. Robredo.

Maganda ring maglabas ang mga awtoridad ng updated na rekord ng lahat ng mga eroplano na for hire para  gabay pa rin ng mga mananakay.

Siyempre pa, mga Bro, talagang malas na talaga kung kailan ka nakasakay ay saka naman magloloko ang eroplano saka babagsak.

LATE NA RESCUE TEAMS

Nang bumagsak ang eroplano, dakong 4:15-4:20 ng hapon.

Maliwanag pa.

Nagkaroon pa nga si Kap. Abrazado ng panahon na tumawag ng mga tutulong sa kanya na bumalik sa dagat para iligtas sina Sec. Robredo.

Mga mangingisda, mga may de-motor na bangka o pump boat, mga Bro, ang tumulong kay Abrazado.

Pero malapit nang magdilim nang dumating ang trained na rescue team.

Dumating ang gabi, nagdilim at wala nang magawa ang mga rescue team kundi ipagpabukas na lang ang pagsisid ng frogmen.

Hayun at ilan sa kanila ang nanatili na lang sa dagat at umaasa na lulutang na lang na buhay si Sec. Robredo at ang dalawang piloto.

WALANG GAMIT

May dumating nga na mga rescue team, lalo na ang  diver’s team.

May dumating din na mga Coast Guard at Philippine Navy.

Kasama rin ang mga pulis at army.

Pero walang mahusay na gamit.

Walang metal detector gaya ng gamit ng mga taga-ibang bansa.

Walang may sensor para sa bakal at wala ring radar na ilang kilometro sana ang maaabot para malaman na may eroplano o barko o bangka na malapit sa may sensor o gamit.

Kahit na malapit lang, nasa 200 metro lang ang layo ng lugar sa dalampasigan, walang nagawa ang mga awtoridad.

Itinuturo mismo ang lugar ng crash ng mga eyewitness.

Sa huli, nagdepende pa sila sa isang basnig para umano magkaroon ng spotlight na pupuwedeng tumagos ng 200 metro sa ilalim ng dagat.

Ang Coast Guard at Philippine Navy, bakit wala nito?

INUTIL

Sa giyera pala, inutil ang lahat ng ating mga puwersa.

Kapag manggaling pala sa dagat ang mga kalaban, gaya ng submarine, patay lahat ang mga nakabarko nating mga puwersa.

Kapag minisil o kinanyon o tinorpedo ng nakasubmarine ang ating mga barko, sabog agad ang mga ito.

Tapos na ang laban.

Bagsak na ang Pinas at ibang bandila o sa mga dayuhan na ang mga bandila na itataas sa ating mga flagpole.

JOINT EXERCISES

Ang dami na nating joint military exercise.

‘Yun bang === kasama natin sa naval military exercise ang mga Kano at iba pa.

Nagkaroon na rin tayo ng mga joint search and rescue exercise, kasama pa rin ang mga Kano at Hapon.

Pero anong nangyari? Sa pangyayaring nasa tungke lang ng ilong ng mga pulis at militar ay naging inutil tayo?

Nakaiiyak, mga Bro, ang kalagayan ng ating mga sundalo at pulis, ang ating mga Coast Guard at Philippine Navy.

Pero higit na nakaiiyak ang kalagayan ng mamamayan na hindi kayang i-rescue at i-search ng mga awtoridad sa kalagayang gaya ng sinapit ni Sec. Robredo.

PAANO NA SI PNOY?

Nag-proxy si Secretary Robredo kay Pangulong Noynoy Aquino sa speaking engagement nito sa Cebu, sa okasyon ng Criminal Investigation and Detection Group.

Paano kung si PNoy ang na-crashan ng eroplano.

Ganundin ba ang ipakikita ng mga awtoridad na may tungkulin para sa search and rescue?

Naku po!

Ano na lang ang mangyayari?

Kung hindi natin kaya ang mag-search and rescue sa isang simpleng sitwasyon, paano na lang kung may giyera sa dagat na obligado tayong lumaban?

Diyan sa West Philippine Sea na may problema tayo, ano ang gagawin natin?

May mga submarine, may mga barkong panggiyera ang mga kaagaw natin ng mga isla.

Ano ang mangyayari sa mga puwersa natin?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply