Maagang kampanya binatikos ng CBCP

BINATIKOS ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) official ang mga pulitiko na bagamat sa susunod na taon pa ang halalan ay maagang nangangampanya at ngayon pa lamang ay madalas nang lumabas sa mga radyo at telebisyon.

Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Youth executive secretary Fr. Conegundo Garganta, dapat buwagin na ang ganitong kultura ng pulitika sa bansa.

Aniya, ang mas mabuti ay gawing inspirasyon ng lahat lalo na sa mga nanunungkulan sa pamahalaan ang yumaong kalihim ng DILG na si Jesse Robredo na hindi ginamit ang kapangyarihan para maging tanyag kundi pinatunayan ang totoong serbisyo publiko o pagsisilbi sa bayan.

Kasabay nito, pinayuhan pa ni Garganta ang mga pulitiko na sa halip na magpa-pogi o magpabango ng pangalan ay iukol na lamang ang nalalabi nilang panahon sa puwesto na matulungan ang kanilang mga kababayan.

Nanawagan rin ang pari sa mga botante na mag-isip nang mabuti at huwag padadala sa mga pulitikong bagamat malayo pa ang eleksyon ay nagpapabango na ng pangalan.

Sinabi ni Garganta na laganap ang kahirapan sa bansa na dapat tugunan ng mga pulitiko at hindi ang media mileage.

“Ang masasabi ko sa mga pulitikong ito, masasabi nating sinasamantala ang pagkakataon at lagi natin silang nakikita sa TV, napapakinggan sa radyo at laging nakabalandra sa malaking pagtitipon, una sa kultura na mayroon tayo ay parang karaniwan na ang ganitong kalagayan na dapat nating baguhin! Ang ating panawagan na sana sa halip na maagang pamumulitika ay gamitin nila ang nalalabing panahon para tumulong sa tao at huwag manamantala! Sanay gawin nilang halimbawa si Sec. Robredo na gumanap ng tapat sa kanyang tungkulin at talagang ipinamalas ang tunay na serbisyo publiko sa tao,” pahayag ni Garganta sa panayam sa radyo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply