Magbuhos sa nakalamidad, gov’t banks paganahin

HINDI biro-biro ang dinanas na kasiraan ng milyon-milyong biktima ng kalamidad.

Kaya naman kailangan ang pag-ayuda sa mga ito.

Marahil ay bilyon-bilyong piso ang kailangan para makabangon muli ang mga biktima.

9 LALAWIGAN

Siyam na lalawigan, bukod sa Metro Manila, ang tinamaan ng kalamidad na nagsimula sa bagyong Gener at nagtapos sa habagat at bagyong Helen ngayon.

Ang mga lalawigang tinamaan ng habagat ay konsentrasyon ng agrikultura sa mahal kong Pinas.

May malalawak na palayan at gulayan diyan.

Malalaki at malalawak din ang alagaan ng mga hayop tulad ng manok at baboy.

May mga alagaan din ng mga isda.

Bagsak ang agrikultura sa mga lugar na ito kaya sigurado tayong may epekto ito sa presyo at suplay ng pagkain ng mamamayan.

HILAGANG LUZON

Ganito rin ang sinasapit ng mga nasa norte.

Kung tutuusin, tatlong bagyo na ang humagupit sa hilagang Luzon, siyempre pa, kasama ang habagat na humagupit sa kanila.

Grabe rin ang pagkasira ng mga pananim, alagang hayop at isda, kasama na ang mga hipon at alimango, sa mga lugar na ito.

Lalo ang mga lalawigang nasa silangang norte na binubuo ng Cagayan Valley.

Hanggang sa mga isla ang Batanes ang pinag-uusapan dito, mga Bro.

Siyempre pa, tinamaan din ang mga nasa south, lalo na ang mga lalawigan ng Palawan, Masbate at iba pang mga lalawigan ng Visayas.

PAGING DEP’T OF AGRICULTURE

Isa sa mga ahensya ng gobyerno na dapat kumilos  ang Department of Agriculture.

Inaalala kasi natin, mga Bro, ang pagkain ng bayan.

Kapag hindi maibalik ang sigla ng agrikultura, hindi lamang ang mga nasiraan ang malulugmok sa buhay.

Maging ang mga konsyumer ng kanilang produkto ay maghihirap din.

Imadyinin natin ang pagkakaroon ng kakulangan sa suplay at pagtataas ng presyo ng pagkain, grabe yan.

Ang milyon-milyong obrero at empleyado sa Metro Manila, halimbawa, ay mahihirapan sa pagbili ng pagkain.

Simple ang dahilan.

Mababa ang sahod sa mga ito at malaking hirap ang daranasin ng mga ito sa pagmamahal ng presyo at kaku-langan ng pagkain.

PAUTANG SA MAGSASAKA, ATBP

Magandang ilakad ng DA ang pagkakaroon ng mauutangan nang magaan ang mga magsasaka, naghahayupan at iba pa na lumilikha ng mga pagkain ng bansa.

Sa sumbong ng ating uzi, nauubusan na ng mga kapitbahay na mauutangan ang mga puwersa sa pagkain.

Mayroon ding iba na pupuwede pang malapitan ngunit ito na ang mga hindi magpapautang hangga’t hindi mataas ang interes, kasama ang prenda sa titulo ng lupa, kalabaw, farm, fishpond at iba pa.

Eh, kung walang maani ang mga magsasaka, naghahayupan at mangingisda, ano na lang ang mangyayari sa kanila dahil sa kanilang mga utang?

BANGKO NG GOBYERNO

Naiisip natin na posibleng kumilos ang DA para makalapit ang mga maliliit na magsasaka sa mga bangko ng pamahalaan.

Balita kasi natin, mga Bro, mahirap makautang ang mga maliliit kahit sa Land Bank of the Philippines.

Hindi nila kaya ang mga prenda at papeles na kailangan para sila makautang.

Pero mabilis lang umano sa pagpapautang ang mga bangko ng pamahalaan sa mga may-ari ng mga farm at iba pang komersyal na agrikultura.

Kaya naman nalulubog ang mga magsasaka, nagha-hayupan at mangingisda sa mga usurero at iba pang nagpapautang na ang target ay mang-remata ng mga prenda sa mga utang.

PONDO NG DA

Mayroon din bang pondo mismo ang DA na pang-alalay sa mga magsasaka, naghahayupan at mangingisda?

Kung mayroon ito, dapat na itong mag-alok ng tulong.

Kailangan talaga ang salapi na muling pagsimulan ng mga biktima ng kalamidad.

Hindi sapat na magkaroon ang DA ng subsidyo sa mga abono, pestisidyo at binhi.

Kinakakailangan ang panggastos sa pag-aararo at paglilinang ng mga palayan, pagtatanim at pagkain na rin ng mga magsasaka sa loob ng apat na buwan hanggang sa sila’y umani.

Ganito rin ang sa mga naghahayupan at mangingisda.

May ispesyal lang na katangian ang mga nag-aalaga ng mga manok na hanggang 45 days lamang.

Ngunit sa kabuuan, matagal bago magkaroon ng kita at magkaroon muli ng puhunan ang mga ito.

LAPITAN SILA

Ang magandang gawin ng mga taga-DA, munisipyo, kapitolyo at iba pang ahensya ng pamahalaan na dapat na may kinalaman sa kalamidad ay lumapit sa mga biktima.

Gaya ng ginawa ni PNoy sa mga forecaster na nag-protesta sa pagpapabaya sa kanila ng pamahalaan.

Pumunta mismo si PNoy sa mga forecaster para ka-usapin sila, at hindi lang ang mga opisyal ng weather forecasting agency.

Sa paglapit sa mga biktima, doon makikita ng mga kinauukulan ang mga problema at pangangailangan ng mga biktima.

MARUNONG MAGBALIK

Kung epektibong makatutulong ang pamahalaan sa mga biktima, iiral ang pagiging matulungin ng mamamayan, ang mga biktima lalo na.

Hindi sila kailangang obligahin na kumilos para tumulong sa pamahalaan sa anomang programa nito.

Marunong ang Pinoy na magbalik ng kanyang nahiram at pinagbubunga pa nga nito ng 100 beses ang biyayang ipinagkaloob sa kanya.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply