Maghanda para sa kalamidad sa El Niño

HINDI biro-biro ang El Niño na darating.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, maaaring tatama sa Pinas ang El Niño simula sa susunod na buwan hanggang sa Pasko.

Wala pang nakatitiyak, mga Bro, kung gaano katindi ang tag-init na ito.

Ang mahalaga ay tatama ito sa mga buwan na dapat sana ay tag-ulan at kasagsagan ng pagtatanim at pag-aani ng palay.

At buong bansa pa ang tatamaan nito.

Buong Asya yata ang tatamaan nito mula sa Japan at India hanggang Australia.

Ganyan kalawak, mga Bro, ang tag-init sa tag-ulan.

KALAMIDAD SA PAGKAIN

Agrikultura o pagkain ang tatamaan ng El Niño.

Sa atin sa Pinas, ‘yang suplay ng bigas ang magiging delikado at ito pa naman ang pangunahin nating pagkain.

Basta may kanin mula sa bigas sa ating mga hapag-kainan, aprub na ang lahat.

Kahit bagoong o asin lang ang ulam natin, pupuwede na tayong mabuhay.

Eh kung sisirain ng El Nino ang ating mga palayan, paano ang buhay ng halos lahat ng mamamayan?

SIRANG PALAYAN

Imadyinin natin na katatanim lang natin ng palay dahil ngayon nga lang dumating ang panahon ng pag-aararo at pagtatanim.

‘Yung ibang naunang nagtanim ay unang dinaanan ng mga bagyo at habagat kaya ngayon lang sila muling  nagtatanim.

Sa El Niño, tiyak na matutuyuan ang mga palayan hanggang sa magkabitak-bitak ang mga lupa at mamamatay na lamang nang dilat ang mga palay.

Para sa mga may sapat na patubig sa mga sakahan, maaaring hindi nila gaanong mararamdaman ang problema.

Pero kahit pa ang mga may patubig ay mamomroblema rin gaya ng mga nagsasaka sa libong ektaryang palayan sa Bulacan at Pampanga na sinusuplayan ng tubig ng Angat dam.

Kasi maaaring magtipid sa tubig ang Angat dam para may pantustos itong tubig-inumin para sa Metro Manila.

Alalahaning ilang beses nang naganap ang hindi paglalabas ng Angat dam sa mga sakahan dahil sa delikadong suplay ng tubig-inumin sa nasa 15-20 milyong residente ng Metro Manila.

LUGI SA PAGSASAKA

Magaganap naman ang pagsurender ng mga magsasaka sa pag-aalaga sa mga palay kung gagamit sila ng generator bilang patubig mula sa mga deepwell o ilog o lawa.

Sa mahal ba naman kasi ng petrolyo, eh, tiyak silang malulugi.

Ito ang nagaganap kapag tinamaan ng El Niño ang milyong ektaryang palayan na umaasa lamang sa ulan.

Hindi pupuwedeng pabayaan ang mga palayan na matuyuan hanggang sa mga araw ng anihan.

Kaya, ilang dram ng gasolina o petrolyo ang uubusin ng mga magsasaka sa isang ektarya?

Eh umaabot, mga Bro, sa tatlo-apat na buwan ang tagal ng pag-aalaga sa tubig sa mga palay.

Naiisip tuloy ng mga magpapalay na huwag na lang nilang ituloy na alagaan ang kanilang mga pananim at hayaan na lamang mamatay ang mga ito.

MAIS AT GULAY

Ang mais, mga Bro, ang isang pamalit sa palay.

Pero sino ang nakasisiguro sa pagtatanim ng mais sa panahong ganito.

Una, walang sinoman ang nakatitiyak na walang bagyo sa mga buwang tatama ang El Niño dahil tag-ulan nga ang mga buwang Agosto hanggang Disyembre.

Pinapatay ng bagyo at baha ang mga mais.

At pinapatay rin ng sobrang init ang mga mais.

Ang mga maggugulay naman ay hindi makatitiyak sa panahon.

Patay sa sobrang init o ulan ang mga petsay, talong, repolyo, kalabasa, kamatis at iba pa.

FISHKILL

Kung may malawakang kasiraan sa palay, mais at gulay sa tag-init sa tag-ulan, nagaganap din ang malawakang fishkill sa mga fishpond, fishpen, fishcage at iba pang alagaan ng mga isda, alimango at sugpo o hipon.

Natutuyuan kasi ang mga ilog at lawa na doon matatagpuan ang maraming alagaan ng mga isda, hipon at alimango.

‘Yung ibang hindi natutuyuan ay nagkakaroon ng fishkill sa init ng panahon.

RED TIDE AT LASON

Sa tag-init sa tag-ulan din sumusulpot ang mga pesteng katulad ng red tide.

Yung mga alagang isda, alimango at hipon naman ay tinatamaan ng nakalalasong mga kalagayan gaya ng nagaganap sa Laguna de Bay at ilang dalampasigan sa Manila Bay.

Kapag naglasang gilik na ang mga isda, alimango at hipon, hindi na pupuwedeng kainin ang mga ito.

Gusto mo mang kainin, hindi papasok ang mga ito sa ating sikmura.

KRISIS SA SUPLAY NG PAGKAIN

Dahil sa lawak ng El Niño na tatama sa Asya at Pasipiko, maaaring magkaroon ng krisis sa suplay sa pagkain, lalo na ang bigas.

Tatamaan din kasi, mga Bro, ang mga bansang Thailand, India, China, Vietnam na numero unong producer at exporter ng bigas.

At ang totoo, nabubulabog na ang mga ito sa paparating na El Niño at ngayon pa lang ay sinasabi nilang baka walang mag-e-export ng bigas at gagamitin na lang nila ang kanilang mga ani para sa sarili nilang mamamayan.

Ang tanong dito, eh, paano ang Pinas na laging kulang sa produksyon ng bigas?

DA HANDA NA BA?

Ano-ano na ang paghahanda ng Department of Agriculture sa El Niño?

Paano ito kikilos sa posibleng krisis sa pagkain sa mahal kong Pinas?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply