Maging mapagmatyag sa itatalagang bago sa DILG

KAILANGAN umanong maging mapagmatyag ang mga mamamayan sa gagawing pagtatalaga ng pamahalaan ng susunod na kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ang pahayag nina Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Archbishop Oscar Cruz at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ay kasunod pa rin nang pagpanaw ni DILG Secretary Jesse Robredo.

Ayon sa dalawang Catholic prelate, napaka-krusyal sa pamahalaan ng posisyong nabakante ni Robredo kaya’t kinakailangang mabigyan ng seryosong atensiyon ng publiko ang gagawing pamimili ng taong papalit sa naturang puwesto.

“The people should remain vigilant this early because this means that he will have a replacement,” ani Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at kaibigan ni Robredo dahil naging magkatuwang ang dalawa sa pagsugpo ng illegal na sugal na jueteng.

Ayon naman kay Pabillo, isang malaking hamon para sa pamahalaan ang paghanap ng taong papalit kay Robredo.

“This is a big challenge for the government to find someone who can do the job rightly like what secretary Robredo did,” pahayag pa ni Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action, Justice and Peace (Nassa) ng CBCP.

Matatandaang Martes nang makumpirmang nasawi si Robredo nang bumagsak ang sinasakyan nitong eroplano sa karagatang sakop ng Masbate.

Dahil sa pagpanaw ni Robredo, inaasahang magtatalaga si Pangulong Benigno Simeon Aquino III ng magiging susunod na kalihim ng DILG, na pansamantalang ginagampanan ngayon ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr..

Isa umano si Senator Panfilo Lacson sa mga pangalang lumulutang na posibleng pagpilian para maging DILG chief.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply