Malakanyang, dedma sa mababang grado ni Sereno sa psych test

IPINAGKIBIT-balikat lang ng Malakanyang ang ulat na nakakuha ng mababang grado sa psychological test na ibinigay ng Judicial and Bar Council (JBC) ang bagong Chief Justice na si Maria Lourdes Sereno.

Si Sereno ay lumalabas na isang “dramatic at emotional” na tao.

Ayon kay Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, ang napaulat ay hindi kumpirmado sa ngayon kaya’t walang dahilan para agad nila itong paniwalaan.

“Hindi naman verified ang sources niyan, unconfirmed reports. Sinama ng JBC sa shortlist ang ngayong Chief Justice, si Chief Justice Sereno. Hindi na kami magkukumento roon,” ayon kay Usec. Valte.

At sa tanong kung kinukunsidera ba nilang walang saysay ang mababang score ni Sereno sa kanyang psychological test ay sinabi ng opisyal na “It’s not that. [The supposed information] is not an official release from the JBC….”

Nitong Agosto 25 ay pormal nang nanumpa si Sereno bilang bagong Supreme Court Chief Justice, kapalit ni dating SC Chief Justice Renato Corona.

At kung sakaling may katanungan aniya ukol kay Sereno ay mas mabuti aniyang tanungin na lamang ang tagapagsalita nito.

Noong nakaraang linggo ay napaulat na kapwa nakakuha sina Sereno at Solicitor General Francis Jardeleza  ng mababang psychological evaluation rating na ibinigay ng JBC.

Sa ulat, mayroong 11-page Psychiatric and Psychological Report na isinumite sa JBC ng grupong medical psychiatrists at dalawang psychologists.

Lumalabas na sina Sereno at Jardeleza ay nakakuha ng grado na “four” matapos na kumuha ng pagsusuri at ang resulta nito ay ibinigay sa mga miyembro ng JBC noong July 19 preliminary meeting.

Ang  test ay mayroong five-point numerical rating system kung saan ang 1 ang pinakamataas o best, 3 naman ay median at 5  ang pinakamababa o lagpak na grado.

Samantala, sa pag-upo ni Sereno bilang bagong SC Chief Justice ay malabo aniyang maging “puppet” ito ng kasalukuyang administrasyon.

“Makikita natin she has displayed her independence,” diing pahayag ni Usec. Valte.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply