Malawakang pagbaha sa Pinas normal lang

HINDI na minsanan nating mararanasan ang grabeng pagbaha sa ating bansa dahil malinaw sa resulta ng pag-aaral ng mga eksperto na malaki ang naging epekto ng “climate change” sa bansa bukod pa ang ginawang pang-aabuso  sa kalikasan sakop ng Pilipinas.

Mapa-illegal logging, mining at iba pang tawag sa paggahasa sa kalikasan ay ginawa na yata ng mga dorobong Pinoy na walang hinangad kung hindi kumita ng bulto-bultong pera kesehodang mawasak ang inang kalikasan na dapat niyang minamahal at pinoprotektahan.

Isa pang malinaw na halimbawa rito ang sitwasyon ngayon sa northern part of Metro Manila na kung tawagin natin ay CAMANAVA na kung saan lumitaw sa pagsisiyasat at pag-aaral na bumababa ang lupa sa lugar na ito ng pinakamababa sa apat na pulgada kada taon.

Mabigat ang nasabing datos dahil lumilitaw na sa loob ng 3 taon ay isang ruler o isang piye ang ibinababa ng lugar na parte pa ng Metro Manila.

Maging ang coastal areas ng Bulacan na palagi na ring binabaha, may bagyo man o wala, ay ganito rin ang naging resulta ng pag-aaral at iyan ang pinakamabigat na problema ngayong kinakaharap ng mga tagarito.

Kung magpapatuloy ang pagbaba ng lupa sa mga lugar na ito ay hindi malayong mabura sa mapa ang nabanggit na areas. Kaya kung talagang may pagtingin ang pamahalaan sa problemang nabanggit ay dali-dalian nila ang pag-aksyon dahil hindi na biro ang problemang ito.

Naririyan yung CAMANAVA flood control project na palpak, nandiyan din yung planong Valenzuela-Obando-Meycauayan (VOM) project na hanggang ngayon ay nasa drawing board pa lamang at iba pang proyekto na mukhang palamuti na lamang.

Aksyon at resulta ang kailangan ng mga taga-CAMANAVA at Bulacan kaya’t sana’y pakinggan nila ang resulta ng pag-aaral ng mga eksperto na isiniwalat sa Senado kaugnay sa hearing ng epekto ng climate change rito.

###

Kung ganito na ang magiging epekto ng climate change at pag-lapastangan sa kalikasan ay dapat maging handa na rin ang gobyernong lokal at nasyonal.

Sa ngayon na wala pang ginagawang solusyon ang pamahalaan sa problema ay kailangang nakahanda na ang lahat ng disaster group dahil ito lamang ang magagawa natin sa ngayon.

Sa panig ng paghahanda dapat ikinokonsidera ang training,kagamitan at attitude ng mga rescuers sa sitwasyon.

Ang paghahandang sinasabi natin ay kailangang buo at kumpleto dahil hindi na biro ang sitwasyon sa ngayon lalo na  sa usapin ng baha.

Tapos na ang panahon na hanggang tuhod lamang ang inaabot ng baha dahil sa ngayon ay puro lagpas tao na ang maririnig mo sa radyo at telebisyon.

Kung ganito ang sitwasyon dapat maging ay mamamayan ay handa na rin dito dahil kailangan na rin ng pagpaplano ng pamilya para masigurong ligtas ang lahat.

Tiyak na may solusyon ang problema at iyan ang dapat nating pagplanuhan dahil walang imposible kung sama-sama ang pamilya lalo’t higit kung organisado ang pagkilos nito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply