Mananamantala sa presyo ng gamot kontra leptospirosis, binalaan ng DOH

NAGBABALA ang Department of Health (DOH) sa mga mananamantala sa publiko sa pagbili ng overpriced na gamot kontra leptospirosis.

Ang payo ni Health Secretary Enrique Ona ay kasunod nang inaasahang pananalasa ng leptospirosismatapos ang malawakang pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Kaugnay nito, nagbigay ng ilang mga pointers si Ona sa publiko para sa pagbili ng doxycycline at iba pang gamot upang matiyak na hindi sila mabibiktima ng overpricing.

“We want the public to be able to make informed decisions and get the best prices on doxycycline and other drugs and medicines”, pahayag ni Ona.

Aniya, sa pagbili ng gamot ay dapat na humingi muna sa doktor ng generic drugs at sa botika naman ay dapat na sabihin sa  pharmacist na ang nais ay generic o yung pinakamurang gamot.

Dapat rin aniyang magkumpara ng mga presyo ng gamot.   Nabatid na sa kasalukuyan ang presyo umano ng generic doxycycline 100 mg capsules ay nasa P2.00 hanggang P 15.00 depende sa manufacturer.

Ang mga generic doxycycline 100 mg capsules ay available sa mga government hospital drugstores at commercial drugstores.

Tiniyak naman ng DOH sa publiko na patuloy nilang minomonitor ang presyo ng mga gamot upang matiyak na maiiwasan ang overpricing o pagsasamantala ng mga negosyante.

“Supplies and prices of our medicines remain stable and we are regularly monitoring and informing the public of drug prices,” pahayag ni Ona.

Ang doxycycline ay isang antibiotic na inirerekomendang inumin upang makaiwas sa leptospirosis lalo na kung matagal lumusong sa baha na may ihi ng daga.

Kamakailan ay namahagi na ang DOH ng mga libreng doxycycline para sa mga rescue at relief teams maging sa mga residente sa mga evacuation centers.

Gayunman, nilinaw ni Ona na ang doxycycline ay hindi naman 100 porsyentong garantisadong proteksyon laban sa leptosirosis.

Hindi rin ito dapat na ipainom sa mga buntis at mga batang nasa edad na walong taon pababa.

Payo pa ng Kalihim, sakaling lagnatin matapos lumusong sa baha kahit nakainom na ng doxycycline ay dapat agad magtungo sa doktor para magpasuri.

Kasabay nito, umapela si Ona sa mga drug manufacturers, distributors at pharmacies sa bansa na kung hindi mababawasan ay panatilihin ang presyo ng kanilang mga gamot.

Para naman sa mga sumbong ng drug overpricing ay maaaring i-report sa 711-1001.

Samantala, naglibot nitong Linggo si Ona, kasama ang Philippine Medical Association (PMA) sa Malabon para mamahagi ng gamot at relief good sa mga barangay na hindi pa humuhupa ang baha.

Nagsagawa rin ng medical mission ang grupo ni Ona na dinumog naman ng mga apektadong residente.

Kabilang sa mga ipinamahaging gamot ay ang mga gamot sa lagnat, ubo at sa leptospirosis.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply