Matapos ang bagyo at habagat, el niño naman?

HABANG nabubuhay tayo sa bagyo, habagat, baha at landslide, nagpaparamdam naman ang El Niño.

Ang mga bansang India at Japan ang nakararamdam nito ngayon.

Ngunit sa paniniwala ng iba, kakalat ang El Niño sa iba pang bansa sa Asya, kabilang na mahal kong Pinas.

TAGTUYOT SA TAG-ULAN

Ang El Niño, sa ordinaryo nating pag-unawa ay hindi basta tag-init.

Isa itong matinding tagtuyot.

Sa sobrang init ng panahon, may mga nahi-heat stroke. Hindi lang tao, Bro, pati hayop.

Pati ang mga isda namamatay rin sa El Niño gaya ng mga nasa fishpond at natutuyuang mga ilog, sapa at iba pang pinamamahayan ng tubig.

Marami ang nagkakasakit diyan ng high blood, atake sa puso at iba pang sakit na dulot ng mainit o maalinsangang panahon.

Dulot umano ng pagbabago ng klima ang matinding El Niño sa tag-ulan.

PINSALA SA AGRIKULTURA

Natatakot ngayon ang mga bansang India at Japan na magiging masama sa kanilang agrikultura ang El Niño.

Ang India ang isa sa mga exporter ng bigas at sa totoo lang, nakabibili tayo sa kanila.

Ang Japan naman ay takot na mawalan ng sapat na pagkain mula sa mga sakahan nito.

Kung manghihinayang ang India sa kikitain nito sa pagbebenta ng bigas, magiging problema naman ng Japan ang pag-aangkat ng pagkain mula sa ibang bansa.

Ngunit ang mahalaga sa mga bansang ito, nag-iingay na sila kahit hindi pa talaga dumadapo sa kanila ang abnormal na panahon.

Ibig sabihin, naghahanda na sila at marahil ay nagpaplano at gumagawa na sila ng mga programa laban sa El Niño.

TAMA SA PINAS

Minsan ko na ring narinig at nabasa ang posibleng pagtama ng panibagong El Niño sa mahal kong Pinas.

Ito’y habang naglalayag-layag ang mga ulap-habagat sa langit  at bago tumira sa atin ang habagat ng siyam-siyam na ulan.

Pero hindi natin gaanong pinansin ito at maaaring katulad natin ang iba na hindi pumansin dito.

At lalong hindi natin pinapansin o papansinin ang tagtuyot na ito dahil abalang-abala tayo sa kalamidad na dulot ng grabeng tag-ulan, habagat at bagyo.

Hindi kasi natin inakala na papatay ang bagyo at habagat na nasa 100 katao at lulunurin ng baha ang Metro Manila at siyam na lalawigan.

At ngayon nga ay puno ang ating mga kamay sa pagtulong at pakikipagtulungan sa iba para tumulong sa mga nangangailangan at biktima ng mga kalamidad.

Sino ba naman kasi ang makaiisip ng matinding init sa gitna ng malalamig na bangkay at kasiraan ng halos lahat ng hanapbuhay at ari-arian na nasa pagitan nating lahat?

MAPAIT NA TAGTUYOT

Mapait ang tagtuyot na minsang sumalanta sa atin noong 2010 at iba pang nakalipas na panahon.

May mga kakilala tayo na nagsabing sa isang ektaryang tanim na mais, suwerte na kung makaani sila ng 10 sa 100 na bunga.

Sa palay naman, lalo na ang mga nabubuhay lang sa tubig-ulan, minalas ang mga
magsasaka.

Hindi naman sila makagamit ng generator sa patubig dahil sa sobrang mahal na petrolyo na lalo nilang ikalulugi.

Sa tagtuyot din naranasan ang mga matitinding peste sa mga manok at baboy.

Mayroon pa ngang namatayan ng libong baboy at libong manok na ikinalugi nila ng sobra.

Ang dami naman ang natuyuan ng fishpond para sa tilapia, bangus, alimango, sugpo at iba pa.

Nagkaroon din ng mga fish kill sa mga lawa gaya ng Laguna.

At hindi rin maulam ang mga isda dahil naging lasang burak ang mga ito.

Pati korals at mga halamang dagat ay nasira rin sa ating mga dalampasigan at karagatan.

Grabe rin ang mga sunog na naganap at nagkakaroon ng pagrarasyon ng tubig sa mga komunidad na walang mainom na tubig.

Maraming eksenang ganito sa Kamaynilaan, sa totoo lang.

MAGHANDA NA TAYO

Sakaling darating ang El Niño gaya ng pinangangambahan ng ibang bansa, kabilang na ang Australia, dapat ay handa na tayo.

Ang pamahalaan lalo na ay dapat nang handa sa dagdag na kalamidad.

Maganda na ring mag-anunsyo ang pamahalaan upang mapaghandaan ang El Niño ng lahat.

Lalo na ang mga lumilikha ng pagkain para sa lahat.

Siyempre pa, dapat paalalahanan na rin ang mga humahawak ng mga dam, lalo na ang Angat dam, na pinagmumulan ng nasa 97% ng tubig-inumin ng nasa 17 milyong katao sa Metro Manila.

Ang mga dam sa mga lalawigan ay dapat na maghanda para alalayan ang mga magsasaka, naghahayupan at mangingisda sa pangangailangan ng mga ito ng tubig.

TULOY ANG PAGTULONG

Siyempre pa, huwag nating kalilimutan na marami ang nagugutom, nagkakasakit, naiistorbo sa pag-aaral na mga bata at iba pa dahil sa mga dumating na mga bagyo at habagat.

Ukol sa mga bata, marami pala ang nasiraan o nawalan ng mga gamit sa pag-aaral.

Libo-libo o milyong aklat na ipinamahagi ng Department of Education ang basta na lang nasira.

At maraming bata sa mga evacuation center ang nakararanas na ng gutom.

Mas matindi ang kalagayan ng mga hindi naabot ng mga rescuer.

Kaya po, tulungan natin ang isa’t isa na malampasan ang hagupit ng kalamidad.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply