May multo sa DILG at sugal sa Caloocan talamak

SINOMANG maitalaga na uupong Kalihim ng DILG kapalit ni yumaong Sec. Jesse Robredo ay tiyak na mumultuhin sa kanyang opisina.

Ito ang “multo” ng aktibo at walang bahid na serbisyo na ginawa ni Sec. Robredo.

Ibig kong sabihin, parekoy, dapat tiyakin ng sinomang aspirante sa DILG na siya ay may malinis na intensyon at mabilisang aksyon sa bawat problema sa DILG.

Kung hindi, tiyak na maliligo ito ng kaliwa’t kanang batikos sa media at taumbayan.

Dahil palagi itong ikukumpara sa mga ginawa at aksiyon ni Sec. Robredo.

Maging ang mga kasalukuyang miyembro ng Gabinete ay dapat ring pag-ibayuhin ang pag-iingat sa sarili.

Gaya, parekoy, ng sinabi ni Sec. Butch Abad na malaki ang problema kung sila ay mamatay at hindi kasing-init ng kay Robredo ang kanilang tatanggapin mula sa taumbayan.

Kahihiyang malaki nga naman ang kanilang iiwanan sa kanilang pamilya!!!

Magpapa-cremate na nga lang daw kaagad si Sec. Abad!

Hak, hak, hak. ‘Yan, parekoy, ang sinasabi kong multo ni Sec. Robredo na iniwan sa DILG at sa mismong Gabinete.

Ang multo ng mabuting halimbawa ng public service!!!

-o0o-

ANOMANG mabuting bagay na nagawa ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri ay mistulang  nababalewala dahil sa mga kapalpakan ni COP, S/Supt. Florendo Quibuyen.

Nasabi natin ‘yan, parekoy, dahil sa napakaraming reklamo ngayon laban sa talamak na iligal na sugal sa Caloocan City at mukhang hindi kayang ipatigil ng Chief of Police dahil lamang sa isang pangalan.

Lutang na lutang kasi ngayon sa buong Caloocan ang “bookies” nina Boy Edmund at ng tomboy na si “Nancy Kamote” at maging ang naglipanang video karera (VK) sa Bagong Silang at Camarin ng pulis na si Wilson Cruz.

Ang tatlong nabanggit na iligalista ay iisang pangalan ang isinasangkalan sa kanilang iligal na sugal. Si Caloocan City 2nd Dist. Councilor Hon. Marjorie Barretto. Hmp!

Pakinggan sa DZME-1530Khz ang aking programang “Alarma Kinse Trenta” (Monday-Friday, 5-6pm).

Para sa inyong reaction: 09098992775

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply