Maynila naka-half-staff sa pagpanaw ni Robredo

INUTOS ngayon ni Manila Mayor Alfredo Lim ang paglalagay sa half staff ng mga watawat ng Pilipinas sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno, mga paaralan at maging sa mga himpilan ng pulisya sa Lungsod ng Maynila.

Ang kautusan ng alkalde ay matapos matagpuan ang labi ni DILG Secretary Jesse Robredo sa karagatan ng Masbate.

Ayon kay Lim, na dati ring nagsilbi bilang kalihim ng DILG, nakikiramay sila sa pamilya ni Robredo sa napakabigat na hamon na kanilang kinakaharap.

Malaki aniyang kawalan hindi lamang sa DILG, kundi sa buong bansa, si Secretary Robredo na kilalang masipag at dedicated sa kanyang trabaho.

Samantala, nakiisa rin sa pagluluksa sa pagpanaw ni Robredo ang mga biktima ng karahasan at katiwalian.

Sa isang pahayag ngayon, sinabi ni Dante Jimenez, founding chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption, na hinahangaan nila ang ipinakita ni Robredo na pagpapahalaga sa good governance.

Umaasa aniya sila na makatagpo muli si Pangulong Aquino ng kagaya ni Robredo na hindi tiwali na papalit sa nilisang posisyon.

Inilahad pa ni Jimenez na nakatakda sanang maging guest of honor si Robredo sa 14th Founding Anniversary ng VACC sa ika-20 ng Setyembre.

Noon lamang aniyang nakaraang linggo ay nagkausap sila at kinumpirma ng kalihim ang kanyang pagdalo sa anibersaryo ng VACC.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply