DOH naka-alerto vs leptospirosis

TINIYAK ng Malakanyang na nagpalabas ng leptospirosis alert ang Department of Health (DoH) sa mga public hospitals para gamutin ang mga taong  nagtataglay ng sakit na leptospirosis.

Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na  ‘common’ ang sakit na ito ngayong panahon ng tag-ulan at tag-baha.

“Kausap po natin kanina si Dr. Eric Tayag. Nag-alert na po ang Department of Health sa mga public hospitals to be on hand to treat ‘yung mga papasok po na merong leptospirosis. Alam po natin na usually kapag nagkakabaha, leptospirosis po ‘yung isa mga sakit na lumalabas kapag nagkakaroon po tayo ng ganitong sitwasyon. Naka-alerto na po ang ating mga public hospitals to render assistance and treatment to any potential victims,” ayon kay usec. Valte.

Siniguro, aniya, ng DoH na may naka-antabay na mga antibiotics na kakailanganin para sa paggagamot ng leptospirosis.

“Kasama na rin po diyan ‘yung mga gamot para po for the usual illnesses that we see in situations like this—‘yung nagkakaroon po ng sipon, ng ubo, at lagnat, of course, kasama na po diyan and ‘yung cases of diarrhea,” ani Valte.

Samantala, pinag-iingat ng DOH ang publiko laban sa nakamamatay na sakit na leptospirosis.

Ito’y kasunod na rin ng mga pagbaha sa iba’t ibang lugar sa bansa dulot ng mga pag-ulang dala ng bagyo.

Kaugnay nito, iniulat ng DOH na patuloy na dumarami ang kaso ng leptospirosis sa bansa at batay sa kanilang talaan, tumaas ng 125% ang kaso ng sakit kumpara noong nakaraang taon.

Sa kabuuan umano ay nasa 2,002 ang naitalang kaso ng leptospirosis ngayong taon kung saan ang pinakamadaming kaso ay naitala sa Region 10 na may 906 kaso at Region 6 na may 393 kaso.

Inamin naman ni Health Assitstant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), na sa naranasang pagbaha sa mga nakalipas na araw dahil sa bagyong Gener ay inaasahan na nilang madadagdagan pa ang leptospirosis cases.

Umapela rin naman ang health official sa publiko, partikular na sa mga indibidwal na lumusong sa tubig baha na maging alerto.

Sinabi ni Tayag na sa unang sintomas pa lamang ng sakit ay dapat na magpatingin na agad sa doktor upang malapatan ng unang lunas at hindi mauwi sa kamatayan.

Iginiit nito na ang leptopspirosis ay gumagaling subalit kailangan lamang na maagapan ito.

Nagbabala pa si Tayag na kung mapapabayaan ay maaaring ikamatay ang sakit sa loob lamang ng pitong araw.

Ilan sa sintomas ng sakit ay pagkakaroon ng mataas na lagnat, pananakit ng katawan at ulo, at panginginig.

Karaniwan na umano na inaabot pa ng dalawang linggo matapos malantad sa tubig baha na may bacteria bago lumabas ang sintomas ng sakit.

Paalala ng DOH, iwasan na lumusong sa tubig baha lalo kung mayroong sugat sa paa, kung hindi naman maiwasan na mababad sa tubig bahay ay dapat na magsuot ng bota at agad na maghugas ng paa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply