Medalya sa boxing nagtapos

NATAPOS na ang pag-aasam ng Pilipinas na makakuha ng medalya sa ginaganap na XXX Olympic matapos talunin sa boxing ang ating pambato na si Mark Barriga ng pambato ng Kazakhstan na si Birzhan Zhakypov.

Bagama’t tinalo si Barriga sa pamamagitan ng 17-16 pabor sa Kazakhstan ay ipinagmamalaki pa rin ng mga Pinoy ang inilaro nito dahil kitang-kita naman kung paano pinilit ng ating pambato ang kanyang makakaya para lamang manalo sa laban.

Dahil din sa pagkatalo ni Barriga ay muling natapos ang tsansa natin na makakuha ng medalya sa ginaganap na Olympic na ilang taon na rin nating pinipilit na makuha lalo na ang mailap na gintong medalya.

Ang pinakahuling Pinoy na nakakuha ng silver medal sa Olympic ay si Onyok Velasco na sinasabi pa nga ng sports analyst na dinaya ang Pilipinas dahil sa halip na sa ating pambato ang iskor sa bawat suntok na pinatatama nito ay sa kalaban pumapabor ang puntos.

Hindi man tayo nakakuha ng ginto sa Olympic ay buo pa rin ang ating pag-asa na balang araw ay makakamtan din natin ang mailap na gintong medalya at sa pagkakataong ito ay tiyak na magbubunyi ang buong Pilipinas.

Dapat din sigurong maging mapagmasid ang mga opisyal na naghahanap ng mga manlalaro dahil sa nakikita natin, maraming mga Pilipino ang magagaling sa iba’t-ibang sports at kailangan lamang sa kanila ay mabigyan ng pagkakataon ay tamang pagsasanay.

Huwag din sanang tipirin ng mga opisyal sa palakasan ang pagbibigay ng insentibo sa ating mga manlalaro dahil sa halip na sipagin ang magagaling nating player ay tinatamad ang mga itong mag-ensayo dahil sa kakulangan ng budget.

Napapansin din natin na kulang na kulang ang mga kagamitan at pasilidad na ginagamit ng ating mga manlalaro kaya’t hindi masyadong makapag-ensayo ang mga ito ng husto dahil na rin sa kakulangan ng gamit at lugar ng pag-eensayuhan.

Panahon na siguro upang bigyan natin ng pansin ang larangan ng palakasan nang sa gayon ay makuha na natin ang mailap na gintong medalya sa Olympic at kapag nangyari ito ay mas marami pang magagaling na manlalaro ang maglalabasan sa kanilang mga lungga.

Kailangan lang siguro ang tamang pagtutok sa larangan ng palakasan nang sa gayon ay makilala na ang Pilipinas kung ang pag-uusapan ay ang magagaling na manlalaro sa Olympic.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply