Media ipinagtanggol ng CPP sa batikos ni PNoy

NAKIISA ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa mga mamamahayag sa pagbatikos sa kampanya ng ng pamahalaang Aquino laban sa tinatawag nitong “negatibismo” sa pagbabalita at sa paggiit na mag-ulat ng magagandang balita hinggil sa Pilipinas.

Sa isang kalatas ng CPP, sinuportahan ng kilusan ang pahayag ng iba’t ibang organisasyon ng mga mamamahayag na hindi dapat manahimik ang mga manunulat sa pagnanais umano ni Pangulong Aquino na isubo sa mga media kung paano magtrabaho at kung ano ang dapat lamanin ng balita.

“Ang mga mamamahayag ay naninindigan sa makatarungang mga batayan na tutulan ang aktitud ng pamahalaang Aquino na diktahan ang midya kung ano ang dapat iulat, laluna yaong hinggil sa mga batayang isyung kinakaharap ng mamamayan tulad ng kawalang-hanapbuhay, kahirapan, mababang sahod, mga welga at demonstrasyon, ekstrahudisyal na pamamaslang at pandarahas sa mga karapatang pulitikal at sibil,” pahayag pa ng CPP.

Sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 23, tinuligsa ni Pangulong Aquino ang lokal na media sa pagiging pesimistiko umano at kakulangan sa pag-uulat ng mga malalaking pagsulong ng ekonomiya, taliwas sa ginawang paghanga ng mga dayuhang media at mga credit rating agency.

Ayon sa CPP, wala sa posisyon si Pangulong Aquino na batikusin ang media sa harap ng kabiguan umano ng pamahalaan na bigyan ng katarungan ang mga pinaslang na mamamahayag, kabilang na ang Maguindanao massacre.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply