Mensahe para sa kaligtasan ni Robredo, bumaha

BINAHA ng mga mensahe ang Facebook account ni DILG Sec. Jesse Robredo at iba pang mga social networking sites at ang lahat ay umaasang makakabalik pa ito ng buhay.

Kabilang sa maraming mga mensaheng naka-post sa wall ng Kalihim ay ang paghingi ng patuloy na panalangin para sa kanyang kaligtasan.

Tulad naman ng kanilang inang si Atty. Leni Robredo at ng lahat na kaanak ng pamilya, hiling din ni Aika Robredo, panganay sa tatlong magkakapatid, ang isang malaking himala para sa ikaliligtas ng kanilang ama.

Hindi aniya inaasahan na magaganap ang ganito kasaklap na pangyayari lalo pa’t biglaan at hindi inaasahan na mangyari ang trahedya.

“Asking for prayers and a miracle. Have never wanted/prayed for something this badly before. Please continue to pray,” ayon kay Aika.

Samantala, isang unan naman ang inihulog sa site kung saan nag-crash ang sinasakyang eroplano ng kalihim at dalawa pang piloto.

Inihayag ni Naga City Councilor Babeth Lavadia, na ilang matanda sa lungsod ng Naga ang nagpadala sa kanya ng unan para kay Robredo, 54, upang ihulog sa crash site sa Masbate.
Paniniwala ng mga nakakatanda, na makakatulong ito upang matagpuan o magpakita na ang kalihim mula sa kanyang kinalalagyan.

Sinabi naman ng opisyal na kahit ito ay matandang paniniwala lamang, mas mabuti na ang sumunod dahil wala namang masama kung maniniwala sa kasabihan.

Sa ngayon, buo pa rin ang kanilang pag-asa na buhay pa ang kalihim.

Una rito, naglabas ng kanilang opisyal na pahayag ang pamilya ni Robredo, matapos ang 24 oras na paghahanap sa kanilang kaanak.

Pinasalamatan ni Atty. Leni ang mga taong patuloy na sumusuporta sa kanila, nananalangin at nagpapalakas ng loob.

Aminado ang kabiyak ng kalihim na dito sila humuhugot ng lakas ng loob para maniwalang makababalik ng ligtas sa tulong at awa ng Diyos ang kanilang mahal sa buhay.

Narito ang bahagi ng opisyal na pahayag ng pamilya Robredo:  “Thank you for your prayers in this very difficult time in our lives. As of the moment, Jess has not been found yet but we are very grateful for all the support and the help everyone has been extending. Please continue praying with us that God will bring him back home safely.”

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply