Metro Manila isinailalim sa blue alert dahil sa leptospirosis

BUNSOD nang biglaang pagtaas ng kaso ng leptospirosis, nagdeklara ng blue alert ang Department of Health (DOH) sa Metro Manila.

Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH- National Epidemiology Center (NEC), napuwersa silang magpatupad ng blue alert sa Metro Manila kasunod na rin nang biglaang pagtaas ng kaso ng leptospirosis.

Ayon kay Tayag, sa ilalim ng blue alert, pinaghahandaan nila ang posibleng pag-abot sa 50 araw-araw ng mga taong maaaring magtungo sa mga pagamutan dahil sa mga flood-related diseases tulad ng leptospirosis.

Sa tala ng DOH, mula Agosto 5 hanggang 22 lamang ay nakapagtala na sila ng 783 kaso ng sakit sa 14 government at local government hospitals, kung saan 14 na ang kumpirmadong nasawi.

Bagamat mayroon lamang, aniyang, 176 kaso mula Agosto 5 hanggang 15, bigla namang tumaas ang mga kaso mula Agosto 16 hanggang 22, matapos na manalasa ang baha dahil sa habagat at mga bagyo.

Ani Tayag, partikular na tinututukan nila ngayon ang area ng CAMANAVA  (Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela) na pinakanapinsala ng pagbaha dahil sa posibleng outbreak ng leptospirosis.

Aniya, batay sa kanilang tala, karamihan sa mga pasyente ng leptospirosis na kanilang nagamot ay mula sa Caloocan, Malabon, Manila, Valenzuela, at Quezon City.

“Ang CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area binabantayan namin baka may outbreak,” aniya pa.

Bukod naman sa leptospirosis, nakahanda na rin umano ang mga health centers sa posibleng pagdami ng mga kaso ng dengue at bronchopneumonia.

Umapela na rin si Tayag sa mga local government units (LGUs) na magmantine ng skeletal force na hahawak ng mga possible cases ng leptospirosis partikular na ngayong magkakaroon na naman ng long weekend sa bansa dahil sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani sa Agosto 27.

“Nakikiusap kami baka pwedeng mag-skeletal force at may mapuntahan ang tao kung hindi magdadagsaan sa hospital, taas na rin dengue at bronchopneumonia sa mga bata,” ani Tayag.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply