Metro Manila nasa yellow alert pa rin – PAGASA

IPINAHAYAG ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nananatiling nakataas pa rin sa yellow alert ang Metro Manila kaugnay sa inaasahang malalakas na buhos ng ulan na dulot naman ng bagyong Helen.

Nilinaw ng PAGASA na tinatayang aabot sa 7 hanggang 15 millimeters kada oras ang ibabagsak na tubig ulan sa kalakhang Maynila sa susunod na tatlong oras.

Pinayuhan naman ng PAGASA ang mga nakatira sa low lying areas na mag-ingat sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.

Samantala, nakataas na sa public storm signal number 2 ang siyam na lugar habang patuloy na nagpapalakas ang bagyong Helen sa paglapit nito sa Northern Luzon.

Kinabibilangan sa nasa signal number 2 ang Cagayan, Calayan group of islands, Babuyan groups of islands, Isabela, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, Abra at Batanes group of islands.

Habang nasa signal number 1 naman ang Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Ifugao, Benguet, Mt. Province, La Union at Ilocos Sur.

Huling namataan ang bagyo sa layong 230 kilometro sa silangan-timog-silangan ng Tuguegarao City.

Mayroon itong lakas ng hangin na umaabot sa 85 kilometro bawat oras habang ang bugso naman ng hangin nito ay pumapalo sa 100 kilometro bawat oras.

Patuloy na kumikilos si Helen sa pangkalahatang direksyon ng Hilagang-Kanluran sa bilis na 13 kilometro bawat oras.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply