Mga bakwet kay PNoy: Itigil ang militarisasyon sa Quezon

KAMI naman ang intindihin mo.”

Ito ang panawagan kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III ng mga pamilyang napilitang lumikas mula sa kanilang mga lugar dahil na rin sa matinding militarisasyon.

Sumugod ang mga apektadong pamilya na napilitang lumikas sa kanilang lugar sa bahay ni Aquino sa Times Street upang manawagan dito na itigil ang matinding militarisasyon na isinasagawa ng militar sa lalawigan ng Quezon.

Sa pahayag ng grupo sa isinagawang piket sa harapan ng bahay ni Aquino sa Times Street, ito na ang ika-apat na Bakwet mula noong taong 2002. Ang salitang “bakwet” ay popular na tawag sa mga taong lumilikas sa lugar sanhi ng iba’t-ibang kadahilanan.

Ayon sa mga nag-bakwet, ituon naman sa kanila ang atensyon ng pamahalaan matapos ang sunud-sunod na malalaking usapin sa bansa.

Ang mga pamilyang ito ay hindi makauwi sa kanilang mga lugar sa Bondoc Peninsula dahil sa takot at peligro sa kanilang buhay at kaligtasan.

“Hindi lamang baha ang nananalasa. Bata-batalyong sundalo ang nasa Quezon ngayon. Daig pa nito si Gener sa pananalasa sa buhay at kaligtasan namin. Hindi ito aksidente lamang,” ani Orly Marcellana, tagapagsalita ng Save Bondoc Peninsula Movement.

Ayon kay Marcellana, naobligang lumikas ang mga magsasaka mula sa Bondoc Peninsula sa lalawigan ng Quezon dahil mula noong nakaraang taon ay lumaki na ang bilang ng paglabag sa karapatang pantao matapos ang maramihang deployment ng sundalo sa lugar.

Matatandaang noon ay nabalita ang maramihang paglikas ng mga mamamayan mula sa mga lalawigan ng Mindoro, Quezon at Rizal. Umabot sa 30 pamilya o mahigit 100-indibidwal ang napilitang lisanin ang kanilang lugar dahil sa matinding militarisasyon.

Sila ay mga magsasaka at katutubong Mangyan at Dumagat. Karamihan sa kanila ay aktwal na biktima ng paglabag sa karapatang pantao dulot ng abusong-militar.

Naulit pa ito nang dalawang beses noong magkakasunod na taon mula 2006-2008 kung saan umabot sa mahigit 80-indibidwal ang lumikas mula naman sa lalawigan ng Quezon.

Napag-alaman na ang mga pamilyang nagsilikas ngayon ay bahagi ng mahigit 200-biktima ng karahasang militar at paglabag sa karapatang pantao na kanilang nai-dokumento mula lamang noong nakaraang taon.

Tampok ang kaso ng isang 27-taong-gulang na dinukot at tinortyur ng 85th IBPA (Infantry Battalion Philippine Army) na kung saan ang biktima ay may problema sa pag-iisip.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply