Mga ganid na kompanya ng petrolyo, mas matindi pa sa delubyo – Gabriela

MARIING kinondena ng grupong  Gabriela ang panibagong oil price hike ng mga kompanya ng langis.

“Hindi na nakatiis ang mga ganid,” bulalas ni Joms Salvador, deputy secretary general ng Gabriela. “Hindi pa tuluyang nakakarekober ang mga tao sa dinaanang kalamidad, ang iba pa nga ay nasa evacuation centers pa, heto at may panibagong oil price hike.”

Lumahok ang mga miyembro ng Gabriela sa isinagawang kilos protesta sa Mabuhay Rotonda kaninang umaga.

Naglunsad ng protesta ang iba’t ibang grupo  matapos itaas ng mga kompanya ng langis  ang presyo ng  kanilang produktong petrolyo. Tumaas ng P1.50  sa diesel, P1.80 at P1.70 sa premium at regular gasoline at P1.60 sa kerosene. Ang mga produktong ito ay mahalaga, lalo na ang kerosene na ginagamit sa mga gasera at de-bombang pangluto sa mga evacuation center at sa mga lugar na wala pang kuryente. Nakatakda muling tumaas ang presyo ng langis ngayong linggong ito.

Ayon kay Salvador, ang mga produktong agrikultural na nailigtas sa pagsalanta ng matinding ulan at baha ay sasalantahin naman ngayon ng mataas na presyo ng petrolyong gamit sa pagdadala ng mga produkto sa pamilihan.

“Hirap na nga ang kababaihan sa tumaas na presyo ng mga bilhin sa palengke dahil sa ulan at baha, tiyak na lalo pang tataas ang presyo ng mga bilihin dahil sa karagdagang halaga ng pagbiyahe ng mga produkto.

Napapanahon nang seryosohin ng Kongreso ang panawagan ng mamamayan na tuluyang kontrolin na ng gobyerno ang industriya ng petrolyo sa pamamagitan ng pagbasura sa Oil Deregulation Law at pagsasabansa ng industriya ng langis.

Ani Salvador, mahalaga ito sa gitna ng walang kontrol na pagsirit ng preyo ng langis at pananamantala ng mga ganid na kumpanya ng langis.

“Hindi naman pwedeng umasa na lang lagi sa relief ang mga apektadong pamilya sa mga lugar na laging binabaha. Nais din naman nilang bumangon na nang tuluyan sa pagkakalugmok ngunit hinahadlangan ito ng pananamantala ng oil companies at pagkibit-balikat ng gobyerno sa panawagan ng mamamayan.”

Muli ring iginiit ng Gabriela ang panawagan nito noon pa man na tanggalin ang 12% na value-added tax (VAT) sa langis para kahit paano ay maalwanan ang mamamayan sa gitna ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo. “Hindi sapat na bawasan lamang ang VAT, dapat ay tuluyang tanggalin na ito. Para kahit paano ay malaki ang ibaba ng presyo ng petrolyo at sunod na bumaba ang presyo ng iba pang bilihin. Mas makakatulong ito sa mga tao,” dagdag pa ni Salvador.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply