Mga pasyente, personnel na-trap sa loob ng UERM hospital

NA-TRAP ang may 150 pasyente at 700 hospital personnel sa loob ng University of the East – Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERMMC) sa Quezon City nang bahain ang Aurora Boulevard, ayon sa ulat kaninang umaga ng opisyal ng ospital.

Sinabi ni UERMMC Medical Director Dr. Andres Borromeo na ang kabuuan ng unang palapag ng naturang ospital ay nananatiling lubog sa baha hanggang kaninang umaga, at ang malaking problema pa ay wala nang pagkain ang mga pasyente at hospital personnel na naipit sa lugar.

“Ang kailangan namin is we have food to bring in, kaya lang hindi kami makapasok [dahil sa baha],” pahayag pa ni Borromeo.

Nangako naman agad si Philippine Coast Guard (PCG) commandant Vice Admiral Edmund Tan na tutulong at sinabing ipadadala nila ang rescue personnel na naka-istasyon sa  V. Mapa Street sa flood-hit hospital.

Sinabi ni Tan na makikipagkita sila sa tropa ni Borromeo para makuha ang mga supply at maideliber sa naipit na mga pasyente at personnel.

Sa kabutihang palad, hindi naman nawalan ng suplay ng kuryente sa lugar na sinasakupan ng naturang ospital kundi ay mas lalong mahihirapan at mapeperwisyo ang mga pasyente at ang mga hospital staff.

Matatandaan na ang unang palapag ng UERM ay binaha rin ng todo noong pananalasa ng bagyong Ondoy noong Setyembre 2009.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply