Migrante-Laguna naghahanda para sa relief operations

PUSPUSAN  ang pangangalap ng mga pagkain, damit, at iba pang gamit ang mga kasapi ng Migrante-Laguna para sa isasagawang relief operations sa mga apektadong lugar na binaha sa Laguna matapos ang magdamag at maghapong pag-ulan.

“Sa kasalukuyan, malubhang apektado ng matinding ulan at pagbaha ang mga bayang nasa baybayin ng Laguna de Bay tulad ng San Pedro, Biñan, Santa Rosa, Cabuyao, at Calamba. Sanhi ito ng pagtaas ng tubig sa lawa,” ayon kay Flor Chan, tagapangulo ng Migrante-Laguna.

“Ang Biñan ang panghunahing apektadong bayan dulot ng pag-ulan at pagbaha. Ito ang prayoridad ng Migrante-Laguna na malunsaran ng relief operations,” dagdag ni Chan.

Sa aktwal na pagtungo ng Migrante-Laguna sa Biñan pa lamang, nakapagtala na may apektadong 600 pamilya sa Barangay San Jose. Samantala, lubhang apektado ang kabuuang populasyong humigit-kumulang 70,000 sa mga barangay ng Dela Paz at Malaban na kalakhang nasa bubong na ng kanilang mga bahay.

Ani Chan, “Nakalulungkot na sa mga apektadong ito ng baha, napakaliit na bilang pa lamang ang naililikas sa mga evacuation centers. Paano pa ang mga nasa lugar na buwan ang binibilang bago humupa ang baha tulad ng Sitio Pulo sa San Jose?”

Tumatagal ng anim (6) na buwan bago tuluyang humupa ang baha sa Sitio Pulo.

Nasa 90 pamilya pa lamang ang nailikas sa isang elementary school at barangay hall sa San Jose, Biñan.

Samantala, ayon kay Migrante-Southern Tagalog coordinator Kenneth David, “Kalakhan sa mga apektado ng patuloy na pag-ulan at pagbaha ay maralita, kabilang na ang mga pamilya ng mga OFWs. Tungkulin ng bawat isa, hindi lamang ng Migrante, na tulungan ang mga kababayan natin sa ganitong panahon ng kalamidad.”

Ayon kay David, “Patuloy ang Migrante-Southern Tagalog sa pagkalap ng mahahalagang impormasyon sa mga apektadong lugar sa rehiyon. Patuloy din tayong nananawagan at nangangalap ng mga relief goods sa loob at labas ng bansa para sa ilulunsad na relief operations sa mga darating na araw.”

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply