Muling pag-aralan at ugatin ang mga pagbaha

HINDI pupuwedeng basta na lang tanggapin na gawa ng Maykapal ang nagaganap na mga baha sa ating bansa.

Kung gawa man ng Maykapal ang tag-ulan at tag-araw at ang mga dulot ng mga ito na tagbaha at tagtuyot, may mga gawa rin ang tao sa mga ito.

Kaya naman, dapat nating alamin ang mga gawa ng tao at gawan ng paraan ang mga ito.

Hindi sapat na maging makatao at maawain tayo sa mga pinapatay at sinasalanta ng baha.

Sapagkat sa totoo lang, ito’y magiging walang katapusan hangga’t hindi tayo kumikilos sa pag-alam ng mga dahilan ng pagbaha na sarili nating mga likha…at ng mga kasagutan na rin dito.

NASA KAMAY NG GOBYERNO

Nasa gobyerno ang mandato para sa malawak na pag-aaral sa mga ugat ng pagbaha na likha ng kamay ng tao.

Halimbawa, hindi ba ang mabilis at malawak na urbanisasyon o development project kaya ang isang dahilan ng malawakan at tuloy-tuloy nang mga pagbaha?

Sa urbanisasyon kasi ng mga lugar, pinupulak ang mga puno at mga gusali ang itinatanim sa lugar ng mga ito.

Dahil dito, wala nang sumisipsip sa mga tubig-ulan at baha at dumadaloy na lamang ang mga ito sa mga sementong kalsada at drainage hanggang sa daanan na lang ang ating mga tahanan at komunidad saka walisin ang mga ito.

KORAPSYON SA PROYEKTO

Bilyon-bilyong halaga ng pondong gobyerno ang nasasayang sa mga proyektong pinagkakaperahan lamang ng mga anak ng buwayang politiko.

Una, hindi nawawala ang komisyon ng mga opisyal ng gobyerno sa lahat ng mga proyektong kanilang ipinagagawa.

Ikalawa, para tuloy-tuloy ang kanilang komisyon at iba pang kita sa mga proyekto, paulit-ulit na ginagawa ang mga ito.

‘Yun bang === tinitibag at ginagawa tuwing may halalan. Ang daming kalsada, drainage, road divider, riprap,  tulay, pier at iba pa na paulit-ulit na tinitibag at ginagawa.

Dahil sa komisyon at iba pang pagnanakaw sa kaban ng bayan, nagiging substandard ang mga proyekto kaya kahit na hindi tibagin, sa kaunting ulan, sinisira ng baha ang mga ito.

LOGGING OPERATIONS

Marami na ang tumigil sa pagla-logging, lalo na ang mga ligal at malalaking kompanya sa logging.

Ngunit tumigil ang mga ito hindi lang dahil sa kanselasyon ng kanilang timber license agreement o konsesyon kundi dahil sa ubos na ang mga punongkahoy na kanilang nila-logging.

Sa totoo lang, itong mga ligal na logging company ang tunay na umubos sa kagubatan ng mahal kong Pinas.

Noong una, hindi uso ang reforestation o pagtatanim ng mga kapalit na puno bilang kondisyon sa kanilang logging activities. Nitong nakaraang mga panahon na lang nagkaroon nito.

Ngayon nga ay kailangan mo ang teleskopyo mula sa mga highway para makita mo kung may puno pang nakatayo sa dating mga kagubatan, patag man o bundok ang mga ito.

Itong mga illegal logger, mag-uuling at magkakaingin ay nagtitiyaga na lamang sa mga maliliit na puno o troso.

TONGPATS SA REFORESTATION

Alam ba ninyo na mahigit nang dalawang dekada ang patakarang reforestation?

Pero mismong ang Department of Environment and Natural Resources ang na-ging pabaya rito.

Una, hindi ipinipilit sa mga logger ang pagtatanim ng mga puno sa kanilang mga concession area.

Kapalit ng tongpats, basta may itinanim lang ang mga logger, aprub na sa mga taga-DENR.

Nalalaman natin ito mula mismo sa bibig ng mga logger.

REFORESTATION PINEPERA

At alam ba ninyo, mga Bro, na bilyon-bilyong piso na pala ang nagagastos ng gobyerno sa mga nursery ng puno ng DENR?

Sa isang rehiyon nga lamang, umaabot na umano sa P2 bilyon ang nagastos para sa mga seedling at para kuno sa mga logger ang mga ito para itanim.

Ngunit nasasayang nga lang ang mga seedling dahil hindi naman nagtatanim ang mga logger.

Isa pa, pinepera rin ng mga taga-DENR ang pondo sa reforestation. Tanungin niyo pa ang mga taga-DENR na tapat sa tungkulin.

BLACKSAND MINING

Isang bago na pinanggagalingan ng baha mula sa mga karagatan tuwing may mga bagyo o sama ng panahon ang blacksand mining.

Alam ba ninyo kung gaano kalawak ang mga may tongpats sa blacksand mining?

Anak ng tokwa, maging ang mga hepe ng pulis na sa mga lugar na may blacksand mining ay mayroon palang tongpats.

Sa ibang salita, kung may tongpats ang mga lespu, may tongpats din sa mga politiko mula sa mga mayor hanggang sa mga kongresman na nakasasakop sa mga mining area.

Ngayon nga ay hindi na matatag ang mga natural at trenserang buhangin sa mga lugar ng blacksand mining at madaling bumaha sa mga lugar na yan.

Sa paghampas ng alon o daluyong sa mga dalampasigan, nababasag na ang mga trensera dahil ang magneto ng blacksand na nagpapatibay sa mga buhangin ay nawawala na.

MGA UGAT NATIYAK NA

Suma tutal, mga Bro, gawa ng tao ang mga pagsasamantala at korapsyon sa mga proyekto, legal at illegal logging operation, reforestation  at blacksand mining.

Ano-ano na ang ginagawa ng gobyerno rito para mapanagot ang mga may gawa sa mga ito na talaga namang dahilan ng mga grabeng pagbaha?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply