Nagbenta ng depektibong produkto, kakasuhan

POSIBLENG sampahan na ng kaso ng isang negosyanteng ginang ang kompanyang nagbenta sa kanya ng umano’y depektibong open top range o oven matapos mabigong palitan kaagad ang mamahaling produkto.

Sa liham pa ipinadala ni Atty. Rowena Disini ng Disini & Disini Law Office kay Jonathan Kaw, General Manager ng Metalcrest Inc. na may tanggapan sa Malinta, Valenzuela City, binigyan na lamang ng hanggang bukas, Agosto 10 ang naturang kompanya upang palitan ang biniling oven at i-deliver ito sa Osom Bar & Cafe sa Boracay na pag-aari ng kanilang kliyenteng si Josephine Jennifer Uy.

Napagalaman na umorder si Uy ng apat na Open Top Range with titanium oven sa naturang kompanya noong Marso 26, 2012 na nagkakahalaga ng kabuuang P70,685,00 kung saan nagdagdag pa ang negosyante ng P5,300 bilang bayad sa maayos na pagkakarga patungong Boracay.

Dumating ang oven sa establisimiento ni Uy noong Abril 9 subalit noon lamang Hunyo 15 ito nabuksan ni Mrs. Uy nang dumating siya sa Boracay.

Dito na napuna ng ginang ang depekto sa pinaka-pinto ng oven na hindi maisara ng maayos kaya’t ipinabatid kaagad niya ito kay Mary Grace Francisco, ang Account Executive ng Metalcrest.

Itinuro naman ni Francisco kay Mrs. Uy ang mga dapat gawin upang maisara ng maayos ang pinto ng oven subalit hindi rin ito nagawa kaya’t iminungkahi ng account executive na magpapadala na lang sila ng technician.

Gayunman, walang dumating na technician kaya’t komunsulta na si Uy sa kanyang abogado na siya namang nakipag-usap sa isang Atty. Paglinawan na nangakong ipababatid sa kompanya ang reklamo subalit lumipas ang mga araw ay hindi rin nagawan ng kaukulang aksiyon.

Dahil dito, binigyan na lamang ng abogado ni Mrs. Uy ang kompanya ng hanggang bukas, Agosto 10 upang palitan ang depektibong oven ng bagong unit na kapareho ng kanyang inorder at i-deliver ito sa Osom Bar & Cafe sa Boracay ng walang sisingilin maski isang kusing sa kanyang kliyente.

Ipinaalala rin ni Atty. Disini sa Metalcrest ang mga umiiral na batas sa ilalim ng Kodigo Sibil kung saan may responsibilidad ang kompanya sa pagbibigay ng warranty kahit na tinanggap na ng seller ang dineliver ng produkto.

Umaasa ang abogado ni Mrs. Uy na bibigyang halaga ng kompanya ang kanilang kahilingan upang hindi na umabot pa sa korte ang usapin na posibleng hahantong sa paghingi nila ng danyos sa naturang kompanya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply