Naghalo ang kamatayan at ang bagong buhay

HINDI maganda ang ating pakiramdam sa kambal na pangyayari sa loob ng Malakanyang.

Naghalo kasi, mga Bro, ang kamatayan at bagong buhay.

Habang ibinuburol diyan  si ex-DILG Sec. Jesse Robredo, nanunumpa naman sa tungkulin ang bagong hirang na Punong Hukom, si Maria Lourdes Sereno.

Pagkatapos, ipinangako pa ni CJ Sereno na isasabuhay niya ang naging buhay-opisyal ni Robredo.

Gagawing matagumpay ang Supreme Court sa gabay ni Robredo?

TRACK RECORD NI ROBREDO

Maganda ang rekord ni Sec. Robredo bilang dating  mayor ng Naga City at kalihim ng DILG.

Imadyin, nagawa niya na gawing First Class City ang Naga na dating patay-sinding siyudad.

Lungsod mo man ang maya’t maya ay daraanan ng mga matitinding bagyo, manghihina yan.

Pero pinasigla ito ni Robredo sa pamamagitan ng pagiging simpleng tao niya at pagiging tapat sa tao at sa batas.

Kapag nakuha mo ang kooperasyon ng mamamayan, walang imposible, maging ang napakahirap na pagpapaunlad ng isang siyudad na malayo sa mauunlad na rehiyon gaya ng Kamaynilaan at Cebu.

AKSYON MAN

Hindi natin malilimutan ang pagkastigo ni Robredo bilang DILG chief sa gobernador ng lalawigan ng Kalinga na nanakit sa kasama natin sa propesyon na isang broadcaster.

Sinuspinde ni Robredo si  Gov. Jocel Baac na sumugod sa dzRK Radyo ng Bayan at hinataw si Jerome Tabanganay na isang anchor.

Siyempre pa, sa utos yan ni PNoy makaraan ang masinsinang pag-aaral sa complaint ni Tabanganay.

Isang buwang suspensyon ang ipinataw kay Baac at sinabi ng Malakanyang na babala iyon sa mga kinauukulan na naglalagay sa kanilang mga kamay ang hantungan ng mga kontrobersya nila sa media at mamamayan.

Siyempre pa, marami ang hindi nagawa si Robredo na gusto niyang pagbabago dahil iba ang Naga City sa buong Pilipinas.

Maraming kontrapelo sa nasyonal na gobyerno na hindi basta  masawata ng isang mabuting tao, gaya ng namayapang kalihim.

TUTULARAN SI ROBREDO

Sabi ni CJ Sereno, tutularan niya si Robredo at susubukin niyang pairalin ang mga gawain, patakaran at batas na magbibigay-buhay sa maayos at matapat na paglilingkod sa bayan.

Pero siyempre pa, may sariling bait si CJ Sereno.

Bata pa siya at puno siya ng mga pangarap para sa Korte Suprema.

Paano niya pabibilisin ang usad-pagong na katarungan sa bansa?

Paano niya lilinisin at wawalisin ang mga hoodlum in robes?

Paano niya iiwasan ang pagiging tuta ng nagtalaga sa kanya bilang CJ?

Paano niya patatakbuhin ang SC at ang lahat ng mga hukuman na sa liit ng bilang ng mga ito ay nilulunod ng mga gabundok na kaso hanggang sa “justice delayed is justice denied” ang ending?

Ang hindi lang maganda sa pagtulad kay Robredo ay baka magkaroon ng wala sa oras na katapusan ang lahat ng mga pangarap ni CJ Sereno para sa hudikatura.

Ayokong isipin na parang nakasakay rin si CJ Sereno ng eroplano na biglang babagsak at magdudulot ng kamatayan at pagkapurnada ng mga magagandang pangarap.

PAGPAGIN ANG PAA

May ilang kultura na nagpapagpag ng paa ang mga mamamayan bago sila lalayo sa isang burulan.

Paniniwala kasi nila, baka sasama ang kamalasan pag hindi sila magpagpag ng paa.

Simbolo kasi ng pagpapagpag ang pag-aalis ng malas mula sa isang patay, kahit sino pa ang ibinurol at namatay.

Ginawa kaya ito ni CJ Sereno bago siya umalis sa Palasyo makaraang manumpa siya kay Pangulong Noynoy Aquino bilang kauna-unahang babaeng CJ?

MAGANDANG PANGYAYARI

Masakit man ang sinapit ni Sec. Robredo, nag-iwan naman ito ng ilang mahahalagang leksyon.

Una, walang gamit ang mga search and rescue group natin para matugunan ang pangyayaring katulad ng kay Robredo.

Kulang sa kakayahan at hindi rin sapat ang bilang ng mga rescue group.

Kinakailangan pang may mga dayuhang gamit upang matukoy ang kinalalagyan ng eroplano sa ilalim ng dagat.

At kinakailangan pang magkaroon ng mga dayuhang technical diver para malutas ang problema natin sa dagat.

KASAGUTAN SA PROBLEMA

Ayon sa pamunuan ng Philippine Navy at Coast Guard na nangangalaga sa atin sa mga katubigan at karagatan, nagkaroon sila ng rason at pagkakataon na ilapit mismo sa mga kinauukulan ang mga problemang naranasan nila.

Pangarap nilang magkaroon ng mga makabagong gamit, mahusay na pagsasanay at mas maraming search and rescue group na maikalat sa buong bansa.

HOY PALASYO AT KONGRESO

O hayan, ha, nagsasalita na ang mga navy at coast guard natin.

Dapat makinig nang mabuti sa kanila ang mga taga-Palasyo at Kongreso.

Ang pagkakaalam natin, gustong bibili ng mga nasa Palasyo at  Kongreso ng sarili nilang makabagong eroplano para hindi sila ma-Robredo.

Anak ng tokwa, inuuna talaga ng mga ito ang kanilang kapritso.

Maano bang pakinggan ninyo ang mga sundalo at pulis sa dagat na magliligtas sa inyo kung ma-crash kayo sa eroplano o malubog ang barko at yate na sinasakyan ninyo?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply