Nakakurakot na, bida pa

HINDI ngayon ang panahon ng sisihan at magtrabaho raw muna tayo sa pagtulong sa kapwa sa harap ng delubyong inabot ng marami sa Luzon dala, hindi ng bagyo, kundi ng malakas na walang puknat na buhos ng ulan. May punto ang lintek na mga politiko pero sinong pinaglololoko ng mga hinalipak na ito?

Ito Ang Totoo: predictable o kayang kalkulahin ang mga nagaganap na pagbaha, lalo na ang sa lungsod ng Olongapo, kaya kaya ring tantiyahin at ipatupad ang tamang hakbang kontra rito. Sa laki ng abante ng siyensiya at teknolohiya, kayang alamin ang kahihinatnan ng isang lugar sa takdang panahon sa tinatayang dami ng tubig na bubuhos sa partikular na lugar kasama na ang konsiderasyon ng high at low tide.

Hindi kailangan ng henyo para matantiya ito pero tinantiya ba? At kung tinantiya man, pinaghandaan ba ng totohanan?

Daan-daang milyong piso ang nilulustay taon-taon, bilyon-bilyong piso na kung isusuma-total sa nakalipas na ilang taon, para sa mga flood control projects kuno. Konting dredging dito at konting hukay doon, bida na sa media, may pondong nakurakot pa. At kapag nariyan ang baha, pagkakataon pa para makaporma:  konting noodles lang, sardinas at bigas, ang puhunan, sabay video at litratuhan.

Ito Ang Totoo: walang komprehensibong flood control project ang lungsod ng Olongapo. Puro short-term na wala naman talagang epekto kundi sa bulsa ng nakaupo sa city hall, hindi ba, Mayor Bong Gordon at Jimmy Lorenzana alyas JLo?

Ang punto po natin, kapag ang proyekto ay hindi naman pipigil sa pagbaha, huwag nang pag-aksayahan ng panahon at pera ng bayan. Ipunin na lang ang pera at saka magpatupad ng totohanang istraktura at sistema na totohanang pipigil sa pagbabaha.

Tama na ang pagbili ng walang silbing dredging machine na pagka-liit-liit lang ay halos isandaang milyong piso ang halaga.

Tama na ang paglustay ng milyon-milyong piso kada taon sa pakonti-konting dredging na kung minsan ay ibinebenta pa ang pinaghukayan ng ilog sa may pinatatambakan.

Bukod sa mga ari-arian, buhay ng mamamayan – mga tao po – bata, matanda, babae o lalaki, ang nakataya. Sa madaling salita: Tama na ang pagbaha! Ito Ang Totoo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply