Napolcom: Misa para kay Robredo sa Miyerkules

MAGDARAOS ng misa ang National Police Commission (Napolcom) upang ipagdasal na buhay pa ang nawawala nilang Chairman at kalihim din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Jesse Robredo sa Miyerkules (Agosto 22).

Ayon kay Napolcom Vice Chairman at Executive Officer Eduardo Escueta, ang misa ay magsisimula sa dakong alas-9:00 ng umaga sa ika-limang palapag ng punong tanggapan ng komisyon sa kanto ng Gil Puyat at Makati Avenue sa Makati City.

Sinabi ni Escueta, na nagkakaisa ang lahat ng kawani at opisyal ng Napolcom sa pagdarasal at paniniwala na buhay at nasa mabuting kalagayan pa ang kanilang chairman.

Umaasa aniya sila na nagawang makalangoy sa ligtas na lugar si Robredo at nasagip ng mga mangingisda bago dinala sa malayong lugar na hindi naaabot ng komunikasyon.

Nauna dito, pinangunahan mismo ni Pangulong Benigno Aquino III ang search and rescue operation sa baybaying dagat ng Masbate kung saan bumagsak ang Piper Seneca PA 34-200 na sinakyan ng kalihim patungo sana sa Naga City.

Si Robredo ang kumatawan sa Pangulo sa isang speaking engagement sa Cebu bago siya nagpasiyang bumalik sa kanyang lungsod sa Naga kung saan dalawang dekada siyang naglingkod bilang alkalde.

Kabilang din sa mga sakay ng pribadong eroplano ang dalawang piloto na sina Jessup Bahinting na siya ring chairman at chief executive officer ng Avia Tour at ang Nepalese co-pilot na si Kshitiz Chand.

Ang ika-apat na sakay ng naturang eroplano ay ang aide ni Robredo na si Sr. Insp. Jun Abrasado na nakaligtas sa naturang trahedya.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply