National Artist award kay FPJ tinanggap na ni Susan

PORMAL nang tinanggap ni Queen of Philippine Cinema Susan Roces ang iginawad na posthumous national artist award para sa kanyang yumaong esposo na si Ronald Allan Poe o Fernando Poe, Jr., sa Malacañang kahapon matapos ang anim na taon.

Pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagbibigay ng nasabing prangal ay kitang-kita ang saya ni Susan Roces, anak na si MTRCB Chairperson Grace Poe-Llamanzares at iba pang malalapit na pamilya sa ginanap na espesyal na seremonyas na idinaos sa Rizal Hall, Malakanyang.

Sa mensahe ng Pangulo, sinabi nito ang litaniya ng Pambansang Bayani na si Dr.Jose Rizal na “Walang kabuluhan ang buhay na hindi laan sa dakilang layunin. Parang bato itong nakakalat sa bukirin, sa halip na makiambag sa pagbuo ng isang gusali.” Kumbinsido ang Pangulo na ito ang prinsipyo na isinabuhay ni FPJ kaya aniya naging matingkad ang karera nito at nagmistulang alamat ang buhay dahil inilaan sa pagsusulong ng industriya ng pelikula at kapakanan ng kapwa.

Iginiit din ng Pangulo na hindi idinaan sa palakasan system ang pagkakahirang kay FPJ bilang National Artist lalo pa’t nagmula sa publiko at pribadong institusyon ang nominasyon nito at iba pa upang mapabilang sa Order ng mga Pambansang Alagad ng Sining.

Ayon sa Pangulo, pinag-aaralang maigi, sinusuri at sinasala ng Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts ang lahat ng nominado.

Sa ipapasang listahan ng CCP at NCCA ay pipili ang Pangulo, bilang kinatawan ng sambayanang Pilipino, ng ipoproklamang Pambansang Alagad ng Sining. Kaakibat ng karangalang ito aniya ang mga serbisyo ng pamahalaan, at pagkilala ng lipunan sa kanyang mga obra.

Magugunitang, tinanggihan ng pamilya ang parangal kay FPJ bilang Pambansang Alagad ng Sining ng unang ideklara ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong May 23, 2006, dahil sa isyu ng pulitika.

Ang yumaong actor at direktor ay tumakbo sa presidential elections noong 2004 kalaban ang dating Pangulong Arroyo.

Nito lamang nakaraang Hulyo 20, 2012 ay kinumpirma ng Pangulong Aquino ang paggagawad ng pinakamataas na parangal kay FPJ.

Si FPJ ay ilang beses nang itinanghal na best actor kung saan pinakamarami ay sa FAMAS awards.

Kabilang sa mga pelikula niya na binigyan ng pagkilala ay ang “Mga Alabok ng Lupa” (1967), “Asedillo” (1971), “Durugin si Totoy Bato,” “Umpisahan Mo, Tatapusin Ko” (1983), at “Muslim Magnum .357” (1987).

Si FPJ ay pumanaw noong Disyembre 14, 2004 sa edad na 65-anyos.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply