Network engineer dinukot ng 4 armado

NILIMAS ng apat na armadong suspek kabilang ang isang babae ang bitbit na salapi at mamahaling cellphone ng isang 35-anyos na network engineer nang dukutin ng mga nauna ang huli habang patungo ito sa isang bangko kamakalawa ng hapon sa Barangay Alabang, Muntinlupa City.

Sa harap mismo ng bantog na hotel sa Barangay Alabang dinukot ng mga suspect ang biktimang si Richard Legaspi, residente ng 1148 Bayan Luma, Imus, Cavite pasado alas-3 ng hapon  habang patungo sana sa bangko upang ideposito ang P171,000 na pambayad sana niya sa dalawang dadaluhang trainings sa Fast Lane Learning Institute sa Makati City.

Sa pahayag ng biktima kay PO2 Joel Saguid ng Criminal Investigation Section ng Muntinlupa police, patungo na siya sa isang bangko nang huminto sa kanyang harapan ang isang kulay silver na Nissan Urban at dumungaw sa binuksang bintana ang isang babae na nagkunwaring magtatanong sa lugar na kanilang pupuntahan.

Hindi pa umano nakakasagot ang biktima nang bumaba mula sa sasakyan ang dalawang armadong lalaki at itinulak na siya pasakay sa loob ng van, piniringan ng itim na tela at binantaan na huwag papalag kung ayaw niyang masaktan.

Dakong alas-6:30 na ng gabi nang ibaba siya ng mga suspek malapit sa Orchard Golf and Country Club sa Salawag, Dasmarinas, Cavite matapos makuha ang dala niyang salapi at cellphone.

Nakatakda namang makipag-ugnayan ang pulisya sa pamunuan ng bantog na hotel upang masuri kung nahagip ng kanilang close circuit television camera (CCTV) ang pangyayari na magiging daan upang makilala ang mga suspect.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply