Ok si Sereno sa SC

SINUBAYBAYAN ko ang ginawang interview ng Judicial and Bar Council (JBC) sa mga nominee na posibleng maging kapalit ng pinatalsik na si dating Chief Justice Renato C. Corona.

At masasabi ko na hindi nagkamali ang mga miyembro ng JBC sa listahan ng mga nominee na isinumite nito para pagpilian ni Pangulong Noynoy Aquino.

Pawang mahuhusay at may karapatan na mamuno sa Supreme Court ang mga nasa listahan, bagama’t ang ilan sa kanila ay may dala-dalang baggage bunga na rin ng mga nakaraang mga ginawa nila.

Katulad halimbawa ni Associate Justice Renato Carpio na sa duda ng marami ay isa sa mga nasa likod ng impeachment ni Corona. Si dating Executive Secretary Ronnie Zamora naman ay hindi lingid na isa sa matatapat na tauhan nina dating Pangulong Ferdinand Marcos at business tycoon Danding Cojuangco.

Si Associate Justice Bobby Abad naman ay sandaling panahon na lang ang ilalagi sa SC at kung pipiliin siya ni Noynoy ay malamang na magduda ang marami na talagang gusto niya lang bigyan ng tsansa si Justice Secretary Leila de Lima.

Sa lahat ng CJ nominees na kinapanayam ng JBC, si De Lima ang pinakaagresibo na makakuha ng puwesto ni Corona at hindi naman ikinaila ng Palasyo na siya talaga ang manok nila. Pero dahil sa karma ay na-disqualify si De Lima dahil sinampahan siya ng disbarment  case na may kaugnayan sa pagbalewala niya sa lehitimong utos ng SC na payagang makapagpagamot si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ibang bansa.

Gaya ng una kong sinabi ay napanood ko ang JBC proceedings at nasabi ko noon pa man na si Sereno ang pinakaangkop na mamuno sa SC.

Sa katunayan ay nagposte pa ako ng mensahe sa Facebook ilang minuto matapos siyang kapanayamin at sinabi ko na si Sereno ang manok ko sa pagka-CJ.

Hindi lamang sa maganda ang academic background niya kundi nakita ko ang sinseridad niya sa mga tanong na ipinukol sa kanya at higit sa lahat ay napansin ko rin ang pagiging maka-Diyos niya.

Para sa akin kasi kung gusto talaga nating mabago ang bansa at hindi lamang hudikatura ay dapat lahat ng mga mamumuno sa atin ay naniniwala at sumusunod sa kalooban ng Diyos.

Sa ganoong paraan kasi ay tiyak na mawawala ang kabulukan sa pamamahala at kasunod noon ay magiging tapat at malinis ang ating bureaucracy.

Hanggang hindi kasi nagbabago ang mga mismong namumuno sa bansa ay siguradong
hindi aasenso ang Pilipinas.

Kaya naman binabati ko si Pangulong Noynoy sa ginawa niyang pagpili kay Sereno dahil ipinakita niya pangunahin pa rin sa adbokasiya niya na akayin sa totoong tuwid na daan
ang bansa.

Sa aking palagay iyan ang isa sa pinakamabuting nagawa niya sa loob ng maikling panahon ng kanyang panunungkulan ay ng piliin niya si Sereno keysa naman sa attack dog niya na si de Lima.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply