Olympic gold (1)

NAKIPAGKUWENTUHAN ako sa suki ko sa dyaryo at ilang manong tungkol sa Olympics. Sabi ng isa, “Wala pa tayong gold medal!” “Ha! Eh ni tanso nga wala, gold pa!” “Hindi pa talaga tayo pwede sa Olympics, mabigat ang kalaban.”

Marahil ay maraming Filipino ang pareho ang paniniwala na hindi uubra ang ating mga atleta sa Olympics. Pero bakit may mga sikat naman tayo na mga atleta na world class!

Manny Pacquiao sa Professional Boxing. Paeng Nepomuceno sa bowling. Dennis Orcullo sa billiards. ‘Di ba’t mga kinikilala at kinatatakutan ang mga pangalang ito sa kanilang sports? Eh bakit sa Olympics, madalas na bokya ang Filipino?

Madalas ang dahilan ay kulang daw sa pondo ang mga ahensya ng pamahalaan kaya’t kulang ang suporta sa ating mga atleta. Sinisisi rin ang matinding pulitika sa PSC at POC at maging sa mga NSA na hindi nagkakasundo at madalas pang magbangayan. Ang iba ay simple lang ang sagot, talagang mahina ang Pinoy sa sports kaya’t huwag na tayong mangarap na magkamedalya ng ginto sa Olympics.

Heto naman ang akin. Hindi prayoridad ng pamahalaan ang sports dahil sa napakaraming gastusin dito tulad ng health services, edukasyon, pasuweldo sa kawani ng gobyerno at iba pa. Kung hihintayin natin ang araw na maging isa sa paglalaanan ng malaking pondo ang sports, marahil ay hindi na ito dumating. Pero, hindi ibig sabihin na porke’t salat sa pondo ay wala na tayong pag-asa na makasungkit ng medalyang ginto sa Olympics.

Bakit naman ang ibang third world country gaya ng Ethiopia o kaya mga kapitbahay natin sa ASEAN tulad ng Thailand, Indonesia, Singapore, Malaysia ay kayang kumuha ng ginto?

Mukha kaya kung ang mga taong nangangasiwa sa ating sports prog-ram ay pagtutuunan ng pansin ang ilang bagay na nakaligtaan.

Ang Olympic powerhouse na bansang China ay nagdaan sa hirap at matinding pagsubok sa kanilang kasaysayan. Noon ay “bokya” rin sila sa Olympics. Pero imbes na magsisihan sila ay nagkaroon sila ng malawakang sports program. Bata pa lang ang atleta ay alaga na ng gobyerno. Walang ginawa kung hindi ang mag-training.

Sa atin ang atleta ay salat sa suporta. Meron man ay katiting lang. Kinakailangan pa niyang kumayod para mabuhay ang kanyang pamilya. Pag pinadala sa ibang bansa, siya rin ang maglalaba ng kanyang damit at maghahanap ng sariling sponsor. May mga ilang buwenas na atleta na may corporate sponsor pero ilan lang ang mga ito. Ang iba naman ay sadyang mayaman at may sariling perang pangtustos sa training.

Kailangan ay simulan natin ang ating sports program habang bata pa ang atleta. Humanap ng susuporta sa kanyang pamilya. Para hindi na siya mag-isip ng ano ano pa. Nangyayari kasi tumitigil ang atleta sa training niya at magtratrabaho na lang dahil gutom ang pamilya.

Eh hindi ba attorney, may mga nangangako naman na tutulong basta manalo muna?

Matagal ko nang pinuna ang ganyang “pagtulong”. Yan ay maganda lang sa pahayagan ika nga. Maski nga mangako ka ng ONE HUNDRED MILLION PESOS sa sino mang atleta na makakaginto sa Olympics, eh pwede ka matulog ng mahimbing na safe ang pera mo na hindi mabibigay dahil walang chance na makaginto an gating mga atleta sa ngayon.

Dapat ay IBINIBIGAY NA ANG TULONG WALA PA ANG LABAN. Dapat hindi ginagawan ng kondisyon ang tulong sa panalo lamang. DAPAT IBIGAY NA AGAD PARA MAKATULONG NA SA PANGEENSAYO AT BUHAY NG ATLETANG PILIPINO.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply