P7M Performance Challenge Fund gagamitin sa pagsasaayos ng kalsada sa Tabuk City

IPINAPATUPAD ng pamahalaang panlalawigan ng Kalinga ang pagpapagawa at pagpapaganda sa provincial road na tumatahak sa lungsod ng Tabuk gamit ang P7 milyong Performance Challenge Fund (PCF) mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) bilang insentibo sa pagkamit ng provincial government ng Seal of Good Housekeeping (SGH) noong 2011.

Ayon kay Kalinga Governor Jocel Baac, ang pondo ay gagamitin sa pagsasa-ayos ng dalawang bahagi ng Bulanao-Laya-Balong Road na isang pangunahing daan sa Tabuk City.

Kinakailangan itong ayusin aniya upang sumabay ito sa iba pang mga kalsadang ginagawa sa lungsod at makatulong upang mapaganda ang Tabuk bilang “show window” ng Kalinga.

Ang pondo ay nahati sa dalawang magkaibang seksyon ng naturang daan.

Apat na milyong piso ang inilaan para gawing all-weather road four-lane street ang Magsaysay section na isa sa mga palaging nagagamit na daan sa lungsod. Ang P3 milyon naman ay para sa pagpapatuloy ng pagkokongkreto ng kalsada sa Laya-Balong section.

Ayon sa gobernador, malaking tulong itong PCF sa lalawigan at aniya pipilitin nila na ipagpatuloy ang pagpapanatili ng tatlong tenets ng good governance na transparency, accountability at participation upang makakuha ulit ng panibagong pondo.

Aniya kapag nakuha ulit ang naturang karangalan sa 2012, tutulong din ang pamamahalaang panlalawigan na pondohan ang mga proyekto sa ibang munisipyo.

Dahil dito, inanyayahan niya ang mga namumuno sa mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy, husayan at lalong paigtingin ang kanilang pagbibigay serbisyo sa mga tao upang maging SGH Awardee.

Ang programang SGH ay isang paligsahan ng pagalingan sa mga LGU na sinimulan ni Secretary Jesse Robredo upang mapahusay ang pamamalakad ng mga lokal na pamahalaan na isang paraan upang maalis ang katiwalian at red tape sa sistema ng gobyerno.

Ang mga natuang excellent LGU performers ay mabibigyan ng SGH Award na may kasamang pondo bilang insentibo na gagamitin sa pagpapagawa ng mga proyektong nakasaad sa Millennium Development Goals ng pamahalaan sa mga sinasakupang LGUs.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply