Pagbabago sa ARMM dahil din kay Robredo

KUNG malaki man ang naging pagbabago sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa kasalukuyan, buong pagmamalaking sinabi ni Gov. Mujiv Hataman na iyon ay dahil sa malaking kontribusyon ni yumaong DILG Sec. Jesse Robredo.

Si Mujiv mismo ay proud na naging bahagi ng kanilang ipinatupad na reporma sa rehiyon ang  kalihim.

Kaya naman sa pagkawala ng kalihim ay nagdadalamhati rin ang buong Muslim community sa Mindanao.

Aktibo kasi ang namayapang kalihim sa pagsuporta  sa mga reform agenda ni Pangulong Aquino sa ARMM partikular sa kinahaharap na problema sa pulitika at pamumuno sa rehiyon.

Hindi rin malilimutan ng mga Mindanaon si Robredo dahil palagi niyang binibisita ang Mindanao kaya naman tinagurian siyang frequent visitor ng ARMM.

Bukod sa matatalinong ideya ay napaka-approachable rin ng kalihim dahil anomang oras ay pwede siyang tawagan para kausapin.

At dahil sa magandang legacy na iniwan na ito ng kalihim sa ARMM…hiling namin na sana ay isang katulad din ni Robredo o higit pa ang ipalit sa kanyang pwesto.

Dahil naumpisahan na ang pagbabago, dapat naman sigurong ituloy-tuloy na ito.

Kaya sa iyo, Sec. Robredo, salamat at hanggang sa muling pagkikita.

Gabayan mo sana ang sinomang papalit sa iyong pwesto.

-000-

PAALALA po sa ating mga kapatid na kung ayaw ninyong magimbal at magising isang umaga na wala na pala ang in-yong ilang taong pinaghirapang kayamanan, iwasang mag-invest sa tinaguriang Coco Bank dahil tiyak na magiging isa rin kayo sa mga biktimang hindi na nakakuha ng kanilang “premiums.”

Hindi lang naman kasi barya ang pinag-uusapan dito kundi milyon-milyong piso.

Tulad nga ng natalakay na natin noon, napag-alaman nating tuloy-tuloy pa rin ang kawalanghiyaan ng mga operator nito.

Nakalulungkot lang din dahil hanggang ngayon ay wala pang aksyon ang Securities and Exchange  Commission sa isyu.

Sila lang kasi ang may kapangyarihan na i-regulate ang katulad nito na money market.

Maging ang mga opisyal ng PNP at NBI na may jurisdiction sa Lanao del Sur ay naengganyong tumaya sa Coco Bank.

Pati raw ang mga sundalo at mga naglalakihang pangalan sa pulitika ay napabilang sa investors kaya kawawa naman talaga.

Kaya naman para makaiwas sa aberya, ‘wag magpabiktima.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply